Ipinahayag kahapon ni Hua Chunying, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina na hinding hindi matatanggap ng kanyang bansa ang kahilingan ng Hapon na tanggalin ang mga edisyon sa wikang Ingles at wikang Hapones ng website ng Tsina hinggil sa Diaoyu Islands.
Sinabi kamakalawa ni Yoshihide Suga, Punong Kalihim ng Gabinete ng Hapon na ipinahayag ng kanyang bansa ang protesta sa mga bagong-bukas na edisyon sa wikang Ingles at Hapones ng nasabing website. Hinihiling din aniya ng Hapon sa Tsina na tanggalin ang mga ito.
Sa isang regular na preskon, ipinagdiinan ni Hua na ang Tsina ay may katunayang pangkasaysayan at pambatas hinggil sa pagmamay-ari sa Diaoyu Islands. Hindi aniya magbabago ang katotohanang ito tatanggapin man o hindi ng Hapon.
Idinagdag pa ni Hua na nakakatulong ang website sa pag-unawa ng mga tao hinggil sa kasaysayan ng Diaoyu Islands.
Pinasinayaan kamakalawa ng Pambansang Sentro ng Impormasyong Pandagat ng Tsina ang mga edisyon sa wikang Ingles at wikang Hapones ng website na ito na (http://www.diaoyudao.org.cn/en, http://www.diaoyudao.org.cn/jp ). Isinapubliko naman ang website sa wikang Tsino (http://www.diaoyudao.org.cn; http://www.钓鱼岛.cn ) noong ika-30 ng Disyembre, 2014.