|
||||||||
|
||
Sa pagkakaroon ng papel sa "Oplan Exodus", lumabag din si PNP Police Director General Alan Purisima sa kanyang preventive suspension order mula sa Ombudsman at sa kautusan ni PNP officer-in-charge Leonardo Espina na pagbawalan ang mga suspendidong opisyal na tumupad ng kanilang karaniwang gawain.
Ayon sa nabatid ng Board of Inquiry na nagtapos ng pagsisiyasat sa madugong sagupaan noong ika-25 ng Enero sa Mamasapano, Maguindanao na ikinasawi ng 44 na tauhan ng PNO Special Action Force, nilabag ang chain of command ng pambansang pulisya.
Ayon sa executive summary, ang pangulo ng bansa, ang suspendidong chief ng PNP at ang dating SAF Director Napeñas ang naglihim ng impormasyon sa kanialng mga sarili at hindi sinabihan sina OIC PNP Leonardo Espina at Secretary of Interior and Local Government Mar Roxas. Ang chain of command ay nararapat lamang igalang lalo't higit sa panahon ng police operations.
Nabatid ng Board of Inquiry na si Pangulong Aquino ang nagbigay ng go-signal at nagpatupad ng Oplan Exodus, ang operasyong naghahabol ng mga terorista at pinayagan pa si Purisima na lumahok sa pagbabalak at pagpapatupad ng misyon kahit pa suspendido ng Ombudsman.
Minabuti pa ni Pangulong Aquino na makipag-usap kay Napeñas sa halip na makipagbalitaan kay PNP Officer-In-Charge Leonardo Espina. Sa ginawa niyang ito, nilabag niya ang chain of command ng pambansang pulisya.
Ayon sa Manual for PNP Fundamental Doctrine, ang chain of command ay pataas at pababa at mangangailangan ng commander na gagamit ng kanyang responsibilidad sa pamamagitan ng chain of command.
Sa tatlong pahinang executive summary, sinabi ng BOI na si Purisima ay lumabag sa preventive suspension ng Ombdusman nang lumahok siya sa misyon. Lumabag din siya sa Special Order No. 9851 na inilabas ni Espina noong nakalipas na ika-16 ng Disyembre 2014 na nag-uutos sa kanya at iba pang suspendidong opisyal na huwag na munang gumanap ng kani-kanilang mga tungkulin samantalang hindi pa tapos ang pagsisiyasat.
Tiniyak ni Purisima kay Napeñas na siya na mismo ang makikipag-tulungan sa Armed Forces of the Philippines tulad ng kautusan ni Pangulong Aquino.
Si Purisima rin ang sinisisi sa pagbibigay ng maling impormasyon kay Pangulong Aquino hinggil sa tunay na nagaganap noong ika-25 ng Enero nang magpadala siya ng text messages sa pangulo na nagsasabing ang SAF commanders ay paalis na sa pook ng sagupaan at suportado ng mechanized at artillery support.
Sa kasalanan ni Napeñas, sinunod pa niya ang kautusan ni Purisima na huwag sasabihan si Espina at Roxas kahit pa suspendido ang dahilang director general kaya't may paglabag din sa "chain of command."
Hindi niya naipatupad, nabantayan, nakontrol at nautusan ang mga tauhan kaya't nauwi sa madugong pangyayari. Napag-alaman pa na ang Time On Target coordination na ipinatupad ng Special Action Force ay 'di tugma sa operational concepts at protocols ng PNP. Depektibo na sa simula pa lamang ang Oplan Exodus.
Ayon pa sa BOI, hindi kailanman maipatutupad ang nilalaman nito sapagkat depektibo na sa simula pa lamang.
Nagkaroon ng mismanagement sa pagkilos ng mga pulis, hindi napasok ng mga police ang kanilang mga posisyon at wala ring sapat na komunikasyon. Wala ring koordinasyon sa Armed Forces of the Philippines at peace mechanism entities tulad ng Coordinating Committee on the Cessation of Hostilities at Ad Hoc Action Group.
Depektibo ang plano sapagkat hindi nasuring mabuti ang paggagawan ng operasyon, hindi makatotoong assumptions, mahinang assumptions, palpak na intelligence estimate, walang pamantayan kung kalian aalis ang mga kawal at ang kawalan ng koorindasyon sa pagitan ng AFP at Ad Hoc Action Group.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |