SINABI ng International Committee of the Red Cross na tanging mga sibilyan ang nagpapasan ng mga problemang dala ng mga sagupaang nagaganap sa Central Mindanao, partikular sa lalawigan ng Maguindanao.
Sa isang pahayag, sinabi ni Pascal Mauchle, pinuno ng ICRC delegation sa Pilipinas na kahit na natigil noong nakalipas na linggo ang sagupaan kahit pa may mga pagsalakay sa ilang kuta ng mga kawal ang BIFF, ang kawalan ng katiyakang magiging payapa ang mga barangay ang nagdudulot ng dahilan upang huwag munang umuwi sa kanilang mga barangay ang tinaguriang internally-displaced persons.
Hindi na nga makauwi sa kanilang mga tahanan at mga lupain, karamihan sa kanila ay apektado ng tagtuyot na kinikilala ng ICRC na dahil sa El Nino kaya't marami ang nasa evacuation centers na nangangailangan ng tulong.
Ipinaliwanag pa ni G. Mauchle na ang paninirahan sa evacuation center ay isang malaking peligro para sa mga nagsilikas. Mula noong ika-4 ng abril, naghatid na ng tubig na maiinom ang mga taga-ICRC sa may 16,000 mamamayan sa 17 evacuation centers sa Mamasapano at Datu Salibo. Target nilang mag-supply ng malinis na tubig sa mga lungsod at pamayanan.