Kinatagpo kahapon sa Nay Pyi Taw ni Pangulong Thein Sein ng Myanmar ang dumadalaw na Kasangguni ng Estado ng Tsina na si Yang Jing. Sa pagtatagpo, ipinahayag ni Yang Jing na nitong 65 taong nakalipas sapul ng pagkakatatag ng relasyong diplomatiko ng Tsina at Myanmar, nananatiling mahigpit ang pagkokontakan ng dalawang panig sa mataas na antas. Nakahanda aniya ang Tsina na magsikap, kasama ng Myanmar para mapasulong ang pagtutulungan ng dalawang bansa sa ibat-ibang larangan. Sinabi ni Yang na positibo ang Tsina sa pagsisikap ng Myanmar para pangalagaan ang katatagan ng estado at pasulungin ang pambansang rekonsilyasyon. Dagdag pa niya, umaasa ang Tsina na magsisikap ang Myanmar para pangalagaan ang katatagan sa purok-hanggahan ng Tsina at Myanmar, para lumikha ng mainam na kapaligiran para sa kaunlarang pangkabuhayan at panlipunan.
Ipinahayag naman ni Pangulong Thein Sein na pinahahalagahan ng Myanmar ang mapagkaibigan nitong pakikipagtulungan sa Tsina at pinasasalamatan ng Myanmar ang walang tigil na tulong na ibinibigay ng Tsina. Aniya, umaasa ang Myanmar na mapapasulong, kasama ng Tsina, ang komprehensibong estratehikong partnership ng dalawang bansa, batay sa balangkas ng "One Road, One Belt" initiative. Dagdag pa niya, nakahanda ang Myanmar na magsikap, kasama ng Tsina para pangalagaan ang katatagan sa purok-hanggahan ng dalawang bansa.