MAHIGPIT ang pangangailangang suriin at dalawin ang mga dormitoryo sa Kalakhang Maynila sapagkat napipinto na naman ang pasukan. Nanawagan ang Metro Manila Development Authority sa mga punong lungsod at bayan na magsagawa ng mga inspeksyon sa mga dormitoryo at alamin kung sumusunod sa fire safe regulations at standards.
Ito ang paalala ni Chairman Francis Tolentino kasunod na malagim na sunog na ikinasawi ng may 72 katao sa isang pabrika ng tsinelas sa Valenzuela City noong Miyerkoles.
Kailangang magsama ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection at building officials ng mga pamahalaang lungsod at bayan sa inspeksyon ng mga dormitoryo paaralan at iba pang mga gusali upang makatugon ang mga may-ari sa itinatadhana ng batas.