Nagpadala ngayong araw ng liham sa isa't isa sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Park Geun-hye ng Timog Korea, bilang pagbati sa pormal na paglagda ng dalawang bansa sa Free Trade Agreement (FTA).
Tinukoy ni Xi na bilang mahalagang ekonomiya sa Silangang Asya at rehiyong Asya-Pasipiko, ang paglagda ng Tsina at Timog Korea sa FTA ay isang milestone. Hindi lamang aniya ito makakapagpasulong sa bagong progreso ng bilateral na relasyong pangkabuhayan at pangkalakalan, at makakapaghatid ng mas maraming benepisyo sa mga mamamayan, kundi makakagawa rin ng mas malaking ambag para sa proseso ng integrasyong pangkabuhayan ng Silangang Asya at rehiyong Asya-Pasipiko, maging sa pag-unlad ng kabuhayan ng daigdig.
Sa kanya namang liham, ipinahayag ni Park na ang FTA sa Tsina ay sistematikong balangkas ng kooperasyon ng dalawang bansa sa hinaharap. Sa pangmatagalan at estratehikong antas, lilinawin aniya nito ang direksyon ng estratehikong kooperasyon ng Timog Korea at Tsina. Aniya pa, magdudulot din ito ng mas maraming pagkakataon at kapakanan sa mga bahay-kalakal at mga mamamayan ng dalawang bansa, at magpapataas ng katayuan ng dalawang bansa sa komunidad ng daigdig. Ito ay historikal na milestone sa pagpapalalim ng "estratehiko't kooperatibong partnership," dagdag pa ni Park.
Salin: Vera