Pinanguluhan kagabi sa Nayong Jianli ng lalawigang Hubei ng Tsina ni Premyer Li Keqiang ang working meeting para ideploy ang susunod na gawaing panaklolo sa insidente ng lumubog na bapor.
Ang naturang insidente ay naganap kamakalawa sa Ilog Yangtze sa Jianli. At may lulang 456 na katao ang naturang bapor na pinangalanang Dongfangzhixing (Eastern Star).
Lumahok sa pulong na ito ang mga opisyal mula sa lalawigang Hubei, Ministri ng Transportasyon at Komunikasyon, Ministri ng mga Suliraning Sibil at People's Liberation Army (PLA).
Itinakda sa pulong na ito ang mga gawaing panaklolo sa susunod na yugto. Ang mga ito ay kinabibilangan ng pagdaragdag ng mga espesyal na kagamitan para sa paghanap at pagligtas ng mga nawawalang pasahero at tripulante, patuloy na pagdala ng mga tauhang medikal para sa paglunas ng mga nasugatan, pakikiramay sa mga kamag-anak ng naturang mga pasahero at tripulante, at pagtatag ng pambansang grupo para suriin ang dahilan ang paglubog ng bapor.
Salin: Ernest