NABABAHALA ang Makati Business Club sa nagaganap sa Lungsod ng Makati. Sa isang pahayag na inilabas sa mga mamamahayag, sinabi ng MBC na bagama't kinikilala nila ang desisyon ni Mayor Jejomar Binay Jr. na lumisan sa city hall sa kautusan ng Ombudsman, napuna nilang nagtagal bago kumilos ang punong-lungsod, pagkakaroon ng dalawang kautusan mula sa Ombudsman at ang napipintong kaguluhan samantalang nararapat kaagad igalang ang ito.
Walang sinumang hihigt pa sa batas at ang pangangailangan sa paggalang sa batas ay inaasahan sa mga halal ng bayan, at nararapat lamang nilang kilalanin ang mga probisyon ng batas.
Nagiging karaniwan na lamang ang kawalan ng paggalang sa batas ng mga halal ng bayan. Ang suspension ay hindi parusa at hindi nangangahulugan ng pag-amin ng pagkakasala. Nakalulungkot na nagaganap ito sa nangungunang financial center ng bansa.
Umaasa silang kikilos kaagad ang hudikatura sa pinakamadaling panahon upang matapos na ang usapin, dagdag pa ng Makati Business Club.