BONN, Alemanya—Hinimok kahapon ng Tsina ang Hapon na tumpak na pakitunguhan ang kasaysayan at buong-sikap na pangalagaan ang dignidad ng mga nabiktima ng pananalakay at pang-aapi ng Hapon noong World War II (WWII).
Ipinahayag ng kinatawang Tsino ang nasabing kahilingan makaraang ipasiya ng World Heritage Committee ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) na ilakip sa Listahan ng Pamanang Pandaigdig ang kontrobersyal na Meiji Industrial Revolution Sites ng Hapon.
Sa pulong ng UNESCO World Heritage Committee, inamin ng Hapon sa isang pahayag na maraming Koreano at iba pang mamamayan ang sapilitang pinagtrabaho noong 1940s sa ilan sa nasabing Meiji Industrial Revolution sites. Malubha rin ang kondisyon ng pagtatrabaho sa nasabing mga lugar. Inamin din nitong noong WWII, sapilitang nangalap at inapi ng pamahalaang Hapones ang mga trabahador na Asyano.
Ipinangako rin ng Hapon na seryosong sundin ang mungkahi ng World Heritage Committee para ipaalam ang kompletong kasaysayan ng bawat lugar sa nasabing pamanang pandaigdig at magsagawa ng tumpak na hakbang para alalahanin ang mga biktima, na gaya ng pagtatayo ng information center.
Salin: Jade