MAY 2,500 mga kawal ang itatalaga sa darating na Lunes, ika-27 ng Hulyo para sa huling State of the Nation Address ni Pangulong Aquino. Ang mga kawal ang mapapadagdag sa may 5,000 mga pulis na ikakalat sa Batasang Pambansa complex at sa Commonwealth Avenue na pagdarausan naman ng tradisyunal na mga rally ng iba't ibang grupo.
Ayon kay Anakpawis party-list Congressman Fernando Hicap, ang paghahanada ay isang security overkill na hindi naman nagawa kahit noong panahon ng Martial Law.
Samantala, sinabi naman ni Armed Forces public affairs chief Lt. Col. Noel Detoyato na ang itatalagang mga kawal ay binubuo ng 500 mula sa Army, sa Air Force at Navy, kasama na ang 500 pa mula sa general headquarters kung hihilingin ng pulisya.
Ang 2nd Infantry Division sa Rizal ay posibleng magpadala ng 500 kawal kung kulang pa ang mga itatalagang kawal. Nakahanda rin ang kanilang K9 units, explosives and ordnance personnel at medical corps.
Alertado ang mga kawal sa Metro Manila subalit hindi sila ilalabas at nasa alert status lamang sa loob ng mga kampo. Sinabi naman ni Col. Vic Tomas, deputy commander ng Joint Task Force National Capital Region na wala silang nababalitang mga grupong manggugulo sa darating na okasyon.