Ipinahayag ngayong araw ni Hong Lei, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina na buong-higpit na sinusubaybayan ng bansa ang imbestigasyon sa natagpuang pinaghihinalaang labi ng bumagsak na MH370 ng Malaysia Airlines.
Isang piraso ng pakpak ng Boeing 777 ang natuklasan kahapon sa dalampasigan ng Reunion Island sa timog Indian Ocean. Sinabi ng mga imbestigador ng Amerika na bahagi ito ng eroplanong Boeing 777. Dahil dito, may pagdududa na labi ito ng bumagsak na MH370.
Ayon naman sa French media, ang labi na may habang 9 feet (2.7 metro) at lapad na 3 feet (0.9 metro), ay natuklasan ng tagapaglinis sa dalampasigan.
Ang Boeing 777-200 aircraft ng Malaysia Airlines ay lumisan ng Kuala Lumpur International Airport alas- dose kuwarenta'y uno (12:41) ng hatinggabi noong ika-8 ng Marso (Beijing/Manila time), 2014. Nakaiskedyul itong dumating ng Beijing alas-6:30 ng umaga nang araw ring iyon. Pagkaraan ng halos dalawang oras na paglipad, nawalan ito ng kontak sa air traffic control, habang lumilipad sa Ho Chi Minh City, Biyetnam.
Isang daa't limampu't apat (154) sa dalawang daa't tatlumpu't siyam (239) na pasahero ng nawawalang eroplano ay mga mamamayang Tsino.
Salin: Jade