Sa isang pahayag, sinabi kahapon ni Liow Tiong Lai, Ministro ng Transportasyon ng Malaysia na makaraang suriin ng magkasanib na working group, nakumpirmang galing sa eroplanong Boeing 777, uri ng bumagsak na MH370 ng Malaysia Airlines, ang labi na natagpuan ng Pransya kamakailan sa Reunion Island sa Indian Ocean.
Ayon kay Liow, patuloy na susuriin ng mga dalubhasa mula sa Malaysia, Amerika, Tsina, Pransya at Boeing Company ang nasabing labi.
Isang piraso ng labi na pinaghihinalaang bahagi ng bumagsak na MH370 ang natagpuan ng residenteng lokal sa Reunion Island noong ika-29 ng nagdaang Hulyo.
Ang Boeing 777-200 aircraft ng Malaysia Airlines ay lumisan ng Kuala Lumpur International Airport alas- dose kuwarenta'y uno (12:41) ng hatinggabi noong ika-8 ng Marso (Beijing/Manila time), 2014. Nakaiskedyul itong dumating ng Beijing alas-6:30 ng umaga nang araw ring iyon. Pagkaraan ng halos dalawang oras na paglipad, nawalan ito ng kontak sa air traffic control, habang lumilipad sa Ho Chi Minh City, Biyetnam.
Isang daa't limampu't apat (154) sa dalawang daa't tatlumpu't siyam (239) na pasahero ng nawawalang eroplano ay mga mamamayang Tsino.
Salin: Jade