Ipinatalastas kahapon ng People's Bank of China (PBOC), bangko sentral ng Tsina, ang ibayo pang pagrereporma sa exchange rate formation system ng RMB. Ito anito ay para patingkarin ng pamilihan ang mas malaking papel sa pagbuo ng exchange rate.
Ayon sa PBOC, mula araw ring iyon, mas maraming elemento ang isasaalang-alang para buuin ang exchange rate ng RMB, na gaya ng closing rate ng inter-bank foreign exchange market sa nagdaang araw, suplay at pangangailangan sa pamilihan, at pagbabago ng presyo ng mga pangunahing salapi sa daigdig.
Sapul nang isagawa ng Tsina noong 2005 ang reporma sa sistema ng pagbuo ng exchange rate ng RMB, tumaas sa karamihang okasyon ang halaga ng salaping ito. Hanggang sa kasalukuyan, tumaas ng 35% ang exchange rate ng RMB sa US Dollar. Ipinalalagay ng PBOC na ang pagtaas lamang ng exchange rate ng RMB ay hindi angkop sa kasalukuyang masalimuot na kalagayang pinansyal ng daigdig. Kaya, isinagawa nito ang bagong round ng reporma, para maging mas pleksibol ang exchange rate ng RMB, para puwede itong tumaas at puwede ring bumaba.
Salin: Liu Kai