|
||||||||
|
||
NAGKAKAISANG sinabi nina dating Senador Aquilino Q. Pimentel, Jr., Atty. Charito L. Planas at iba pang mga panauhin sa idinaos na "Tapatan sa Aristocrat" na wala pa ring nakakamtang karatungan ang mga naging biktima ng Martial Law na idineklara may 43 taon na ang nakalilipas.
Ginunita nina Fr. Amado Picardal, isang Redemptorist missionary ang kanyang karanasan sa kamay ng mga militar isang taon matapos ideklara ang martial law. Bukod sa ibang mga pahirap na kanyang dinanas, pinagtangkaan pa siyang gamitan ng electric shock matapos bugbugin ng ilang mga kawal.
Inamin ni Fr. Picardal na nadarama pa rin niya ang pait ng mga ala-ala sa loob ng detention center sa Lungsod ng Cebu.
Para G. Emy Magdangal, dinakip siya samantalang nag-aaral ng dating Philippine College of Commerce na ngayo'y Polytechnic University of the Philippines sapagkat nakabilang siya sa mga kandidato sa pagka-opisyal ng kanilang student council. Sumailalim siya sa masusing pagsisiyasat ng mga tauhan ng Philippine Constabulary at nakalaya lamang matapos ang pitong buwang pagkakapiit sa Campo Crame.
Ayon kay Atty. Gregorio Fabros, dating secretary-general ng Student Catholic Action of the Philippines, kung noo'y isang moderate student leader siya, nabago ang kanyang paninindigan sapagkat wala namang kaunlarang natamo sa lipunang Filipino kahit pa naibalik na ang demokrasya.
Ginunita ni Atty. Charito Planas na nadala siya mula sa Camp Aquinaldo, Fort Bonifacio at Camp Crame. Isa rin siya sa mga nabilanggo sa Camp Panopio sa Cubao, Quezon City.
Maaaring madakip ang sinuman kahit walang kasalanan sapagkat mayroong inilalabas na Arrest, Search and Seizure Order upang mabimbin ang sinuman.
Niliwanag ni Atty. Planas na hindi siya nakasama sa claimants sapagkat naniniwala siya sa kanyang ginawa kaya't hindi siya umaasang mapapalitan ng salapi ang kanyang paninindigan.
Si dating Senador Pimentel ay nagpakilalang detainee sa buong Pilipinas sapagkat nadetine siya sa Mindanao, Visayas at Luzon. Kailangang magkaroon ng pagtugon sa mga krimeng naganap noon at kailangang humingi ng paumanhin ang mga nagkasala sa bayan.
Ipinaliwanag ni Prof. Michael Charlston Briones Chua na mayroong impunity o kawalan ng parusa sa mga nagkasala. Ikinalulungkot niya na may nagsasabing mas mabuti pa ang kalagayan ng Pilipinas sa ilalim ng Martial Law kaysa nagaganap ngayon.
Hindi kailanman gaganda ang naganap noong Martial Law sapagkat lahat ng mga karapatan ng tao, kabilang na ang karapatang magpahayag, ay niyurakan upang maghari ang isang diktadura.
Ayon kay Senador Pimentel, naganap ang batas militar sapagkat nanahimik ang Estados Unidos sa pangambang mabubulabog ang mga mamamayan sa pagpapaalis sa kanilang mga base militar sa Pilipinas. Nagbulag-bulagan na ang America para sa kanilang interes subalit mayroong mangilan-ngilang mga mambabatas na nagbabantay sa mga nagaganap sa Pilipinas tulad ni Senator Stephen Solarz.
PAGKILALA SA MGA BIKTIMA NG BATAS MILITAR, MAHALAGA. Sinabi ni Commissioner Karen Gomez Dumpit ng Commission on Human Rights na nararapat kilalanin ang mga naging biktima ng karahasan noong Batas Militar sapagkat isang paraan ito upang maiwasan ang anumang pagbabalik sa pagpapataw ng kamay na bakal. Mayroon ding memorial na itatayo sa kanilang karangalan. Ito ang kanyang pahayag sa idinaos na "Tapatan sa Aristocrat" kaninang umaga sa paggunita ng ika-43 taong anibersaryo ng pagdedeklara ng Martial Law ni Pangulong Ferdinand Marcos. Na sa larawan din sina Fr. Amado Picardal, CSsR (dulong kanan) si Emy Magdangal, isang dating mag-aaral ng PCC at dating detainee at Atty. Gregorio Fabros ng Student Catholic Action (nasa kaliwa ni Commissioner Dumpit). (Melo M. Acuna)
Para kay Human Rights Commissioner Karen Gomez Dumpit, isang magandang pagkakataon na makatanggap ng compensation ang mga naging biktima ng karahasan noong Martial Law sapagkat magkakaroon ng pagkilala sa madilim na bahagi ng kasaysayan ng bansa. Hindi ito kabayaran sa kanilang paninindigan para sa kalayaan bagkos ay bahagi ng paghihilom ng napakalalim na sugat na nakamtan ng sambayanan.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |