Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Bigo ang pamahalaan sa rice self-sufficiency program

(GMT+08:00) 2015-10-12 17:25:56       CRI

NABIGO ang pamahalaang makamtan ang target nitong magkaroon ng sapat na bigas para sa mga mamamayan. Ito ang reaksyon nina dating Anakpawis Party List Congressman Rafael "Ka Paeng" Mariano at Vicente "Sonny" Domingo ng Kapisanan ng Magsaska, Mangingisda at Manggagawa ng Pilipinas, Inc. sa idinaos na Tapatan sa Aristocrat kaninang umaga.

HYBRID TECHNOLOGY MULA SA TSINA, MAHALAGA.  Ito ang sinabi ni Henry Lim Bon Liong, (may mikropono) CEO ng SL Agritech at Vice President ng Federation of filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc. sa idinaos na Tapatan sa Aristocrat kanina.  Maiibsan ang kakulangan sa bigas sa bansa sa pamamagitan ng hybrid technology.  Nasa larawan din sina dating Anakpawis Congressman Rafael "Ka Paeng" Mariano (dulong kaliwa), NFA Spokesman Director Angel Imperial Jr. at National Chairman ng KaMMMPi Sonny Domingo.  (Melo M. Acuna)

Matagal nang sinabi ng Kagawaran ng Pagsasaka sa pangunguna ni Secretary Proceso J. Alcala ang kanilang layuning magkaroon ng sapat na butil sa pangangailangan ng mga Filipino. Naniniwala rin si G. Henry Lim Bon Liong, Chairman ng SL Agritech at Pangalawang Pangulo ng Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc. na kailangan ang pagpapakilala ng hybrid rice varieties upang matugunan ang pangangailangan ng lumalaking bilang ng mga mamamayan.

Ayon kay Director Angel Imperial, Jr., tagapagsalita ng National Food Authority na ibinalita na ng Kagawaran ng Pagsasaka na natamo na ang 96% ng kasapatan ng bigas sa bansa. Kaya nga lamang kailangang mag-angkat ng bigas upang matiyak ang matatag na suplay nito sa oras ng pangangailangan.

Ipinaliwanag ni Ginoong Adolfo Paglinawan, isang dating consultant ni Agriculture Secretary Cito Lorenzo na napapaloob na sa Agriculture and Fisheries Modernization Act ang lahat ng mga kailangan upang makatugon sa pangangailangan ng mga pananim at mga mamamayan.

Nagkataon nga lamang na hindi ito tinupad ng mga nakalipas na pamahalaan kaya't isang malaking suliranin ng bansa ang suplay ng bigas.

Para kay G. Paglinawan, mas makabubuting gamitin ang salaping inilaan sa Conditional Cash Transfer sa programang pangsakahan.

Isang malaking problema rin ng mga magsasaka ang kawalan ng pautang mula sa pamahalaan at iba pang ahensya kaya't umaasa ang karamihan sa mga komprador na nagpapautang at namimili ng mga produktong sakahan sa napaka-murang halaga.

May mga naunang pag-aaral na nagsasabing tatlo sa bawat apat na magsasaka sa bansa ang walang sariling binubungkal na lupa sapagkat nananatili namang biro para sa pamahalaan ang repormang agraryo.

Nangangamba si G. Mariano na hindi kaagad matatanggap ng madla ang hybrid rice sa karanasang nadama ng mga magsasaka noong ilunsad ang Miracle Rice o I-R 8 noong dekada sintenta. Ani G. Mariano, lumaki nga ang kita, naharap naman sa problemang dulot ng tungro ang mga magsasakaya.

Umaasa pa rin ang Pilipinas sa mga aangkating bigas mula sa Thailand at Vietnam upang manatiling sapat ang pangangailangan ng bansa.

Naharap din ang bansa sa serye ng masasamang panahong dumaan sa dami ng mga bagyong nadama sa nakalipas na limang taon. Ngayong taon, nahaharap naman ang Pilipinas sa matinding hagupit ng El Nino na nadarama na sa mga lalawigan sa hilagang bahagi ng Cagayan province at maging sa ilang bahagi ng Kabisayaan sa pagkakaroon ng pagbabago sa kulay ng mga halaman mula sa luntiuan patungo sa

Para kay G. Mariano, higit na susulong ang bansa at mga mamamayan kung bukod sa tunay na repormang agraryo, ay maisunod na ang pambansang industrialisasyon.

Niliwanag din ni G. Domingo na ang mga nararapat kilalanin ng lipunan ang mga karapatan ng pagsasaka sampu ng mga nagbubungkal ng lupa tulad ng karapatang magsaka, karapatan makinabang sa pautang at karapatan sa patas na kalakal.

Ang bigas ay isang political commodity sa Pilipinas noon pa mang mga nakalipas na dekada.

May Kinalamang Babasahin
Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>