|
||||||||
|
||
Idinaos kahapon ng hapon sa Golden Hall ng Beijing Hotel ang Seremonya ng Pagbubukas ng Espesyal na Kumperensiya ng mga Partido Pulitikal ng Asya sa Silk Road. Dumalo rito ang humigit-kumulang animnapung (60) delegado ng mga partido pulitikal ng mahigit tatlumpung bansa.
Sa okasyong ito, ibinahagi ni Liu Yunshan, miyembro ng Standing Committee ng Political Bureau at Secretariat ng Communist Party of China (CPC) Central Committee ang kanyang key note speech na pinamagatang "Deepen Inter-Party Cooperation along the Silk Road for a Beautiful Future."
Belt and Road Initiative: mag-uugnay sa lahat at nangangailangan ng pagsisikap ng lahat
Sinabi niyang ang Belt and Road Initiative ay mag-uugnay sa lahat at nangangailangan ng pagsisikap ng lahat para maisakutuparan. Ang Belt and Road ay pinaikling termino ng Silk Road Economic Belt at 21st Century Maritime Silk Road na iniharap ng Tsina para maisakatuparan ang magkakasamang pag-unlad ng iba't ibang bansa.
Idinagdag pa ni Liu na ang pagtitipun-tipon sa Beijing ng mga partido ay pagkakataon para magpalitan ng pananaw kung paano pasisiglahin ang Silk Road para sa komong pag-unlad. Hangad aniya ng kumperensiyang tipunin ang talino ng lahat para itatag ang daan tungo sa kapayapaan, pag-unlad at kasaganaan.
Bilang pagtatapos kanyang ipinahayag ang pag-asang kapag magkakatuwang na gumanap ang isa't isa ng masusing papel, ang Asya ay magkakaroon ng mas magandang hinaharap at ang buong mundo ay makatatamasa rin ng matiwasay na kinabukasan.
Bagong Silk Road, "Kilometer One" ng Asian Century: Jose de Venecia
Kabilang sa mga nagbigay ng talumpati si Jose de Venecia, dating Speaker ng Mababang Kapulungan ng Pilipinas at founding Chairman ng International Conference of Asian Political Parties (ICAPP).
Si Jose de Venecia (ika-2 sa kaliwa), founding chairman ng ICAPP, kasama ng mga kalahok sa Kumperensiya
Ipinahayag niya ang suporta at pag-eendorso ng mga partido pulitikal sa ilalim ng ICAPP mula sa mga bansa sa Asya, Latin Amerika, Caribbean at Africa sa Belt and Road Initiative na isinusulong ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina. Aniya ito ang kinakailangang pwersa na susugpo sa kahirapan at mapanganib na ekstrimismo. Hatid din aniya ng bagong Silk Road ang pangako ng mutuwal na kaunlaran at matatag na kapayapaan sa rehiyon at sa buong mundo sa loob ng kasalukuyang panahon.
Dagdag ni de Venecia, ang bagong Silk Road ay maituturing na "Kilometer One" ng Asian Century at bagong Asya: ito ay hangad ng lahat, kung saan, walang anumang hidwaan at magbubuklod ang lahat ng mga mamamayan kung gagamitin lamang ang buong kakayanan ng lahat.
Pananaw ng iba pang mga kalahok
Nagbigay din ng mga talumpati sa seremonya ng pagbubukas sina Davit Usupashvili, Ispiker ng Parliamento ng Georgia; Zandaakhuugiin Enkhbold, Pangulo ng Democratic Party ng Mongolia at Ispiker ng State Great Khural ng Mongolia; Prime Minister Hun Sen ng Cambodia; at Nicos Anastasiades, Pangulo ng Cyprus.
Sa kanilang mga talumpati, ipinahayag nila ang pagkatig sa mga adhikain ng Belt and Road Initiative at ang kahandaan ng bawat bansa na magkaroon ng mga ugnayang pangkalakalan at pang-ekonomiko sa Tsina.
Ang tema ng Kumperensiya ng mga Partido Pulitikal ng Asya sa Silk Road ay "Bagong Adhikain ng Silk Road, Mga Hakbang para sa Komong Kaunlaran."
Sa susunod na mga araw gaganapin ang mga diyalogo tungkol sa lideratong pulitikal, ugnayan ng mga mamamayan at pagsasanib ng mga ekonomiya. Ang mga ideyang ihahain sa mga talakayan ay siyang lalamanin ng Beijing Initiative na ilalabas matapos ang Kumperensya.
Kasaysayan ng ICAPP
Ang ICAPP ay itinatag sa pangunguna ni Representative Jose de Venecia ng Lakas–CMD noong taong 2000. Ang ICAPP ay naglalayong isulong ang kooperasyon sa pagitan ng mga partido ng kasaping mga bansa at gamitin ang samahan bilang plataporma sa pagtalakay ng mga maiinit na usaping kinakakarap ng buong mundo tulad ng pagsupil sa kahirapan, sustenableng kaunlaran, pangangalaga sa kalikasan at pagpigil sa kalamidad.
Ulat: Mac/Andrea
Larawan: Andrea
Editor: Rhio/Jade
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |