Sa magkahiwalay na okasyon, nakipagtagpo kahapon sa Beijing si Chang Wanquan, Kasangguni ng Konseho ng Estado at Ministro ng Tanggulang Bansa ng Tsina, sa mga Ministrong Pandepensa ng Indonesia, Myanmar, at Singapore.
Sa kanyang pakikipagtagpo kay Ryamizard Ryacudu, Ministrong Pandepensa ng Indonesia, sinabi ni Chang na nakahanda ang panig Tsino na magsikap kasama ng panig Indones, para aktibong maisakatuparan ang komong palagay na narating ng mga lider ng dalawang bansa, at mapalakas ang estratehikong pagsasanggunian ng dalawang hukbo. Ito aniya ay naglalayong makapagbigay ng mas malaking ambag para sa pagpapasulong ng kapayapaan, katatagan, at kaunlaran ng rehiyon at buong daigdig.
Sa kanyang pakikipagtagpo kay Sein Win, Ministrong Pandepensa ng Myanmar, sinabi ni Chang na lubos na pinahahalagahan ng Tsina ang pagpapaunlad ng relasyon ng mga hukbo ng Tsina at Myanmar. Dapat aniyang pasulungin ng dalawang hukbo ang pragmatikong kooperasyon sa mga larangang gaya ng pagdadalawan sa mataas na antas, estratehikong pagsasanggunian, at multilateral na seguridad para magkasamang mapangalagaan ang kapayapaan at katatagan sa purok-hanggahan ng dalawang bansa.
Sa kanya namang pakikipagtagpo kay Ng Eng Hen, Ministrong Pandepensa ng Singapore, sinabi ni Chang na nakahanda ang Tsina na mataimtim na isakatuparan, kasama ng Singapore, ang komong palagay ng mga lider ng dalawang bansa para mapasigla ang bilateral na relasyon ng dalawang bansa.
Salin: Li Feng