|
||||||||
|
||
Sa kanyang keynote speech sa Ika-6 na Xiangshan Forum na binuksan ngayong araw sa Beijing, ipinagdiinan ni Fan Changlong, Pangalawang Tagapangulo ng Sentral na Komisyong Militar ng Tsina ang pananangan ng bansa sa pagpapasulong ng kapayapaang pandaigdig.
Sinabi pa ni Fan na bilang responsableng bansa, patuloy na aktibong makikilahok ang Tsina sa pagtutulungang pandaigdig na gaya ng misyong pamayapa sa pamumuno ng United Nations (UN), paghahanap at pagliligtas, at pagkokomboy sa paglalayag para makapag-ambag para sa kapayapaan ng daigdig.
Inulit din ni Fan na palagiang naninindigan ang Tsina na lutasin ang mga alitan sa pamamagitan ng diyalogo. Idinagdag pa niyang nalutas ng Tsina, kasama ng karamihan sa mga kapitbansa nito ang pagtatakda ng hanggahan, sa pamamagitan ng mapayapang pagsasanggunian.
Ang porum na nasa magkasamang pagtataguyod ng China Association for Military Science at China Institute for International Strategic Studies ay may temang Pagtutulungang Panseguridad ng Asya-Pasipiko: Katotohanan at Pananaw. Ang mga ministro ng depensa mula sa 16 na bansa na kinabibilangan ng Pilipinas ang kalahok sa Porum.
Ang porum na inilunsad noong 2006 ay idinaos bawat dalawang taon mula 2006 hanggang 2014. Simula ngayong taon, gagawin itong taunang porum at mas maraming opisyal ng depensa at dalubhasa sa larangang ito ay iimbitahan.
Tagapagsalin/Tagapag-edit: Jade
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |