Nagtagpo ngayong umaga sa Seoul, Timog Korea, sina Premyer Li Keqiang ng Tsina at Chung Ui-hwa, Ispiker ng National Assembly ng bansang ito.
Ipinahayag ni Li na ang kooperasyon ng departamentong lehislatibo ng Tsina at Timog Korea ay mahalagang bahagi ng bilateral na relasyon ng dalawang bansa. Umaasa aniya siyang patuloy na gaganap ng napakahalagnag papel ang National Assembly ng Timog Korea sa pagpapasulong ng mga kooperasyon ng dalawang bansa.
Sinabi rin ni Li na dapat pahigpitin ng dalawang bansa ang mga kooperasyon at pagpapalitan hinggil sa mga karanasan sa pangangasiwa sa mga administratibong gawain, pagpapasulong ng kabuhayan, at pagpapabuti ng pamumuhay ng kanilang mga mamamayan.
Sa kabilang dako, ipinahayag naman ni Chung na nakahanda ang parliamento ng kanyang bansa na suportahan ang pagpapasulong ng relasyon ng dalawang bansa.
Umaasa aniya siyang patuloy na pananatilihin ng dalawang bansa ang mga diyalogo at kooperasyon para isakatuparan ang kani-kanilang estratehiya ng pag-unlad at tulungan ang Hilagang-silangang Aysa sa pagiging matatag at masagana.