|
||||||||
|
||
Ipinahayag kamakailan ni Maung Aung, Tagapayo ng Ministri ng Komersyo ng Myanmar, na ipapatupad sa bansa ang Safeguard Law para maprotektahan ang maliliit at katamtamang laking bahay-kalakal (SMEs) bunsod ng lumalaking pag-aangkat mula sa ibang mga bansa.
Aniya, kailangan na lamang itong pirmahan ng Pangulo para magkabisa.
Batay sa nasabing batas, mas mataas na buwis ang ipapataw ng Myanmar sa mga inaangkat na produktong may subsidy ng pamahalaan, at mga inaangkat na paninda na mas mababa ang presyo kaysa sa mga katulad na produktong lokal.
Ang Batas ay ipapatupad bilang tugon lamang sa mga inaangkat na produkto mula sa mga maunlad na bansa. Hindi ito nakatugon sa mga paninda mula sa mga umuunlad na bansa.
Ayon sa pinakahuling datos, malaki ang itinaas kamakailan ng pag-aangkat ng Myanmar, at ito ay nauwi sa lumalaking trade deficit ng bansa. Ayon sa Myanmar Federation of Chambers of Commerce and Industry, kapag naitatag ang ASEAN Economic Community sa katapusan ng 2015, matitiyak ang libreng agos ng lakas-manggagawa at produkto, at mas maraming pag-aangkat ang inaasahang papasok sa Myanmar.
Tagapag-salin/Tagapag-edit: Jade
Tagapagpulido: Rhio
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |