Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Bayanihan Dance Company, nagtanghal sa Beijing

(GMT+08:00) 2015-11-03 17:17:53       CRI

Sa okasyon ng ika-40 Anibersaryo ng Pagkakatatag ng Diplomatikong Relasyon ng Tsina at Pilipinas, idinaos kagabi sa Beijing Century Theatre ang Goodwill Performance na nagtampok sa Bayanihan, ang National Dance Company ng Pilipinas.

Ang pagtatanghal ay itinaguyod ng Pasuguan ng Pilipinas sa Beijing at National Commission for Culture and the Arts (NCCA), sa pakikipagtulungan ng Ministri ng Kultura ng Tsina.

Aktibong ipatupad ang Philippine-China Cultural Agreement

Si Ambassador Erlinda F. Basilio ng Pilipinas

Sa pahayag na binigkas ni Ambassador Erlinda F. Basilio sa simula ng programa, sinabi niyang ang Pilipinas at Tsina ay may mahabang kasaysayan ng pagkakaibigan na pinagtibay ng komong pagpapahalaga sa kultura at sining. Dahil dito nais niyang aktibong ipatupad ang Philippine-China Cultural Agreement. Ibinahagi ni Ambassador Basilio na nitong Marso, ang Pilipinas sa pamamagitan ng NCCA ay nag-host sa pagtatanghal ng Jilin Art Troupe sa Cultural Center of the Philippines. Ang Jilin Art Troupe, na binunuo ng 43 kasapi ay nagtanghal din sa Batangas, Cebu at Davao. Bilang ganti, ayon kay Ambassador Basilio, host naman ang Ministri ng Kultura ng Tsina sa pagtatanghal ng Bayanihan sa Beijing at pagsali sa ika-14 na Asian Arts Festival sa Quanzhou sa susunod na linggo.

Bilang pagtatapos, ani Ambassador Basilio nawa sa pamamagitan ng pagtatanghal ay mas lumalim ang pagkakaibigan ng mga Tsino at Pilipino at magbigay ng mas malalim na pagkaunawa sa kulturang Pilipino.

Ang kultura ay tulay ng mga bansa at mga mamamayan

Si Bai Tian, Pangalawang Puno ng Kawanihan ng mga Suliraning Asyano ng Ministring Panlabas ng Tsina

Sa panayam ng CRI Serbisyo Filipino, sinabi ni Bai Tian, Pangalawang Puno ng Kawanihan ng mga Suliraning Asyano ng Ministring Panlabas ng Tsina na dinala ng Bayanihan ang pinakamagandang sayaw ng Pilipinas sa Tsina at mga manonood Tsino. Aniya,"Magaling sila, devoted at propesyonal. Talagang ipinakikita nila ang pinakamataas na lebel ng sayaw ng Pilipino. Nakapagtanghal na sila sa maraming bansa, obviously, nagustuhan ng mga manonood ang palabas at mainit ang pagtanggap at reaksyon nila."

Dagdag pa ni Ginoong Bai, ang kultura ay tulay ng mga bansa at mga mamamayan, ang aktibidad ng Pasuguan ng Pilipinas ay tiyak na magpapasulong sa relasyon ng dalawang bansa. Hangad din niyang maging matagumpay ang palabas ng Bayanihan sa nalalapit na Asian Arts Festival sa Quanzhou, Fujian Province.

Reaksyon ng Ilang Tsinong manonood

Si Lin Shihan, estudyante ng Beijing Foreign Studies University

Nagkaroon din ng pagkakataon na dumalo sa pagtatanghal ang ilan sa mga mag-aaral ng Beijing Foreign Studies University na kasalukuyang kumukuha ng kurso sa wikang Filipino. Ani Lin Shihan, ang mga Tsino at Pilipino ay parehong mahilig sa pagkanta at pagsayaw, marami na siyang alam hinggil sa pagkakatulad ng kulturang Tsino at Pilipino. Pero sa palabas ng Bayanihan na kanyang natunghayan nakita niya ang pagkakaiba lalo na sa kultura ng mga bansang magkaiba ang klima at kondisyon ng pamumuhay.

"Mainam ring makita ang mga pagkakaiba. Ang ganitong mga palabas ay makakatulong para mas tumaas ang antas ng ating pagkaunawa at tiwala sa dalawang bansa. Kung malalaman rin ang mga pagkakaiba, ito ay makakatulong sa pagpapatibay ng tiwala at pag-uunawaan sa pagitan ng Tsina at Pilipinas," dagdag niya.

Walang masyadong alam si Cao Hui, Associate Professor ng China University of Geosciences hinggil sa Pilipinas. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na makapanood siya ng kultural na pagtatanghal ng mga Pilipino. Sabi ni Cao: "Sa tingin ko ang sayaw ng lalaki at babae gamit ang kawayan (Tinikling) ang pinakamagandang pagtatanghal. Katulad ito sa sayaw ng mga minoryang Tai sa lalawigang Yunnan." Dagdag niya dahil malapit ang Pilipinas sa karagatan maraming mga sayaw ang hango sa pamumuhay ng mga mangingisda o pagsasaka. Nakatawag sa kanya ang kasuotan ng mga mananayaw na habi sa pinya. At naalala niya ang mga minorya sa Xishuangbanna, Yunnan habang pinapanood ang pagtatanghal.

Ilang tagpo sa pagtatanghal ng Bayanihan National Dance Company sa Beijing Century Theatre

Bayanihan Backgrounder

Hango sa tradisyon ng bayanihan o pagtutulungan para sa komong kabutihan ang pangalan ng Bayanihan National Dance Company. Itinatag ito noong 1956 at tumanggap na ng napakaraming gawad at pagkilala sa loob at labas ng Pilipinas. 14 na world tours na ang isinagawa ng grupo at nakapagtanghal na sa anim na kontinente, 66 na bansa at 700 mga lunsod sa ibat ibang bahagi ng daigdig. Sa Tsina, ang grupo ay nagpalabas na sa Beijing, Shanghai, Nanning, Xiamen at Guangzhou. Bahagi sila ng mga pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan ng iba't ibang pasuguan ng Pilipinas at maging sa Malacanang Palace para sa state visits ng mga dayuhang dignitaries na dumadalaw sa Pilipinas.

Ang palabas sa Beijing Century Theatre kagabi ay may apat na bahagi: mga sayaw na nagpakita sa ritwal at tradisyon ng katutubo mula sa timog na bahagi ng Pilipinas, mga sayaw ng may impluwensya ng mga Kastila, mga sayaw ng mga Lumad at ang mga sayaw na sumasalamin sa pamumuhay sa kanayunan. Bilang sorpresa sa kaibigang Tsino, inawit ng Bayanihan ang Mo Li Hua na nangangahulugang jasmin, isang klasikong awiting Tsino tungkol sa halimuyak at kagandahan ng nasabing bulaklak.

Ulat nina: Mac Ramos at Andrea Wu

Larawan mula sa: Pasuguan ng Pilipinas sa Beijing / China Radio International Filipino Service / Lin Shihan

May Kinalamang Babasahin
Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>