Kaugnay ng pagsisimula ng pagdinig ng South China Sea Arbitral Tribunal sa mga isyung may kinalaman sa katotohanan, inulit noong Miyerkules ni Tagapagsalita Hong Lei ng Ministring Panlabas ng Tsina, na hindi tatanggap o lalahok ang kanyang bansa sa arbitrasyong ito. Dagdag niya, walang hurisdiksyon ang arbitral tribunal sa kasong unilateral na iniharap ng Pilipinas.
Sinabi ni Hong na ang unilateral na pagharap at pagpapasulong ng Pilipinas sa arbitrasyon hinggil sa isyu ng South China Sea ay hindi para lutasin ang mga hidwaan, kundi para ipagkaila ang soberanya sa teritoryo at mga karapatan at kapakanan ng Tsina sa karagatang ito. Ang aksyong ito aniya ay taliwas sa deklarasyon sa optional exceptions na ginawa ng Tsina noong 2006, sa ilalim ng Article 298 ng UN Convention on the Law of the Sea (UNCLOS). Ito rin aniya ay labag sa komong palagay ng Tsina at Pilipinas hinggil sa paglutas sa mga hidwaan sa pamamagitan ng talastasan at pagsasanggunian.
Dagdag ni Hong, pagdating sa isyu ng soberanya sa teritoryo at mga karapatan at kapakanan sa dagat, hindi tatanggapin ng Tsina ang anumang solusyong ipipilit dito, o unilateral na pagpunta sa pag-aayos ng ikatlong panig.
Salin: Liu Kai