Inaprobahan noong Lunes ng Executive Board ng International Monetary Fund (IMF) ang paglalagay ng RMB, salaping Tsino, sa special drawing rights (SDR) basket.
Ipinalalagay ng Executive Board na kuwalipikado ang salaping Tsino sa lahat ng mga pamantayan, para pumasok sa SDR basket, na kasalukuyang binubuo ng US Dollar, Euro, Japanese Yen at British Pound. Magkakabisa ang bagong SDR basket sa unang araw ng Oktubre ng susunod na taon.
Pagkaraang gawin ng IMF ang desisyong ito, nagpahayag ng pagtanggap ang People's Bank of China, bangko sentral ng bansa.
Ipinahayag ng bangkong ito na ang nabanggit na desisyon ng IMF ay nagpapakita ng pagkilala sa mga natamong bunga ng Tsina sa pagpapaunlad ng kabuhayan, pagrereporma, at pagbubukas sa labas. Anito pa, ang paglalagay ng RMB sa SDR basket ay makakabuti sa kasalukuyang pandaigdig na sistema ng pananalapi.
Ang SDR basket ay isang uri ng international reserve asset, na magagamit ng mga kasapi ng IMF kung may pangangailangan.
Salin: Liu Kai