Ayon sa China News Service, ipinahayag noong Lunes, Disyembre 28, 2015, ni Peng Qinghua, Kalihim ng Komite ng Partido Komunista ng Tsina (CPC) sa Rehiyong Awtonomo ng Lahing Zhuang ng Guangxi ng bansa, na komprehensibong pinabibilis ng Guangxi ang pakikipagkooperasyon sa ASEAN. Aniya, sa kasalukuyan, pinabibilis ng Guangxi ang pagtatatag ng China-Malaysia Qinzhou Industrial Park, at Kuantan Industrial Park, at transnasyonal na sona ng kooperasyong pangkabuhayan ng Tsina at Biyetnam.
Mula noong Enero hanggang Nobyembre ng kasalukuyang taon, umabot sa mahigit 284 na bilyong Yuan, RMB ang kabuuang halaga ng pagluluwas at pag-aangkat ng kalakalang panlabas ng Guangxi. Ito ay mas malaki ng 12.9% kumpara sa gayunding panahon ng nagdaang taon. Ang mga nalagdaang kasunduan sa China-Malaysia Qinzhou Industrial Park, at Kuantan Industrial Park ay nagkakahalaga ng 6 na bilyong Yuan. Isinumite rin sa panig Biyetnames ang "Komong Pangkalahatang Plano" hinggil sa transnasyonal na sona ng kooperasyong pangkabuhayan ng Tsina at Biyetnam.
Salin: Li Feng