NAGBABALA ang PAGASA na madarama na ang tagtuyot sa may 85% ng bansa at makararanas ng ibayong init ang may 68 lalawigan sa Luzon, Visayas at Mindanao.
Ayon kay Anthony Lucero, isang senior weather specialist, mas mababa sa karaniwang ulan ang madarama dahil sa El Nino na nagsimula na noong Marso 2015.
Samantalang ang buong Pilipinas ay makadarama ng mas mababa sa normal na ulan sa Abril, ang Visayas at Mindanao ay makadarama ng kabawasan ng ulan mula ngayong Enero hanggang Hunyo na simula na ng tag-ulan.
Niliwanag naman ni Dr. Landrico Dalida ng PAGASA na ang sinasabing meteorological droughts ay hindi maihahambing sa tagtuyot sa mga sakahan. Ayon naman kay Dr. Flaviana D. Hilario, ang El Nino ay posibleng maka-apekto sa tubig sa mga dam at hydroelectric power plants sa Mindanao.
May inilaan nang P79 milyon para sa cloud seeding na nagsimula noong Disyembre bago pa man tumama sina Nona at Onyok.