BUBUKSANG muli ng Senado ang pagdinig sa Mamasapano sa unang anibersaryo ng madugong sagupaan sa Maguindanao. Ayon kay Senador Grace Poe, chairperson ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, ilang mambabatas ang humiling na buksang muli ang imbestigasyon.
Magsisimula ang pagdinig sa ganap na ika-sampu ng umaga matapos sabihin ni Senador Alan Peter Cayetano, chairman ng Committee on Rules na walang anumang hadlang sa pagbubukas na muli ng pagdinig.
Si Minority Leader Juan Ponce Enrile ang humiling na buksang muli ang pagdinig sapagkat mayroon siyang bagong impormasyon at posibilidad na bagong ebidensya.
Sinabi naman ni Secretary Herminio "Sonny" Coloma, Jr. na obligasyon ng senado na magsagawa ng pagdinig bilang bahagi ng kanilang oversight functions.
Subalit kakaiba naman ang pananaw ni Interior Secretary Mel Senen Sarmiento hinggil sa pagdinig. Nararapat lamang umanong igalang ang findings ng naunang pagdinig.