MISMONG ang National Economic and Development Authority (NEDA) ang nagsabing kailangang gumasta ang Pilipinas sa pagpapaunlad ng energy capacity upang magkaroon ng matatag na suplay ng kuryente at maging matatag ang kaunlarang pakikinabangan ng madla.
Sa kanyang talumpati sa 2016 Energy Policy and Development Program conference sa New World Hotel, sinabi ni Secretary Arsenio M. Balisacan na sa pagpapalakas ng mga institusyon ay pagpapaunlad ng mga pagawaing-bayan kasabay ng paggamit sa makabagong teknolohiya, kailangan ding bumuo ng mga programa upang higit na tumatag ang mga industriya. Hindi ito magaganap kung walang maasahan, matatag at matibay na energy sector.
Napakahalaga ng enerhiya sa kaunlaran ng ekonomiya upang makamtan ang mithang high income status pagsapit ng 2040 kung magpapatuloy na umunlad ang bansa sa 7.0% bawat taon.
Idinagdag pa ni Secretary Balisacan na kahit gumanda ang pagawaing-bayan, naiiwanan pa rin ang Pilipinas ng mga kalapit bansa lalo na sa investments sa energy capacity. Aniya, sa oras na magkaroon ng dagdag na energy capacity, magkakaroon ng maasahan, may-uri at mas mababang halaga ng kuryente.
Base sa World Economic Forum, may natamong score ang Pilipinas na 4.2 samantalang kailangan ang score na 7 sa larangan ng sufficiency at reliability ng energy supply. Mayroon pa umanong 20% ng mga tahanan sa Pilipinas ang walang kuryente samantalang ay may kuryente ay kailangang magbayad ng mahal na halos doble ng presyo ng kuryente sa buong Asia.