NANGANGAMBA si Cagayan de Oro Congressman Rufus Rodriguez na hindi magtatagumpay ang halalan kung hindi mapipigil ang pagpapasabog ng mga power transmission lines.
Matataya ang kredibilidad ng halalan sa Mayo kung walang sapat na kuryente sa Mindanao. Ang mga presintong walang kuryente ay hindi makapagpapatakbo ng Precinct Count Optical Scan (PCOS) machines at hindi rin makapagpapadala ng bilang ng mga boto sa halalan.
Ang Mindanao ay makapagbibigay ng may 11 milyong boto sa halalan. Ipinagtanong niya kung ano ang magaganap sa oras na walang kuryente sa mga paaralan at malaki ang posibilidad na magkaroon ng failure of elections para sa may 22 milyong mamamayan na mayroong 11 milyong mga botante o halos 20% ng buong bilang ng mga botante.
Nanawagan siya sa mga pulis at militar na dakpin ang mga may kagagawan ng pambobomba na nakapinsala ng may 18 steel towers ng National Grid Corporation of the Philippines mula pa noong nakalipas na taon.
Wala pa umanong nababatid na utak ang Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police na nasa likod ng mga pagpapasabog. Nabatid na sa nakalipas na taon, umabot sa 16 na tower ang pinasabog na naging dahilan ng malawakang brownout. Sinisisi ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa likod ng mga insidente. Mariing itinanggi ng BIFF ang akusasyon. Naganap ang kawalan ng kuryente sa North Cotabato, Cotabato City at maging sa Maguindanao province.