|
||||||||
|
||
NANINIWALA si Engr. Jorge Estioko, deputy executive director ng National Water Resources Board na may sapat na tubig para sa dalawang concessionaires ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System kahit pa mayroong El Nino ngayong 2016.
MAY SAPAT NA TUBIG KAHIT MAY EL NINO. Ito ang sinabi ni Engr. Jorge Estioko ng National Water Resources Board sa Tapatan sa Aristocrat kaninang umaga. Malaking tulong ang nagawa ng magkasunod na bagyo noong Disyembre kaya sapat ang tubig sa Angat Dam. (Melo M. Acuna)
Sa idinaos na Tapatan sa Aristocrat kaninang umaga, sinabi ni Engr. Estioko na nagbawas sila ng pagpapadaloy ng tubig mula sa Angat Dam noong nakalipas na Nobyembre sapagkat hindi sasapat ang tubig na naroon sa ipunan ng tubig ng Metro Manila.
Subalit bumalik sa normal na 218 metro ang taas ng tubig sa Angat Dam noong dumating ang dalawang bagyo noong huling linggo ng Nobyembre at Disyembre. Nagpakawala pa nga ng tubig ang Angat Dam kaya't may ilang bahagi ng Bulacan na binaha.
Idinagdag ni Engr. Estioko na nakalulungkot na sa paglaki ng populasyon ay hindi sasapat ang pinagkukunan ng tubig ng MWSS para sa Metro Manila at kalapit na mga pook. Ito ang dahilan kaya't sumasang-ayon sila sa balak ng pamahalaang magtayo ng Kaliwa at Kanan Dam.
Mariin namang kinondena ni Gng. Conchita Calzado, dating commissioner ng National Commission for Indigenous People ang balak na ito sapagkat walang anumang konsultasyong naganap sa kanilang hanay. Nangangamba si Gng. Calzado na aabot sa 10,000 mga katutubo ang mawawalan ng mga sakahin at kabuhayan mula sa kabundukan sapagkat malulubog sa tubig ang mga barangay.
Sa panig naman ni G. Efren dela Cruz Mercado, isang magsasaka sa Prelatura ng Infanta, na libu-libong ektaryang palayan ang mapipinsla kung ipagpapatuloy ang pagtatayo ng dam. Mabuti pa umano ang mga taga-General Nakar at Real sapagkat may bundok na magagamit sa paglikas, 'di tulad ng Infanta na pawang kapatagan.
MALAKING GASTOS ANG ITATAYONG DAM. Sinabi ni Fr. Pete Montallana ng Prelatura ng Infanta na nararapat iligtas ang kalikasan sapagkat malaking yaman ang mawawala sa mga susunod na saling-lahi. Bukod pa rito ang malaking gastos na aabot sa P66 bilyon para sa tatlong dam sa Quezon, Laguna at Rizal. (Melo M. Acuna)
Para kay Fr. Pete Montallana, ang coordinator ng Indigenous People's Apostolate ng Prelatura ng Infanta, mas makabubuting huwag na munang ituloy ang proyekto sapagkat ibayong kahirapan ang madarama at mararanasan ng mga mamamayan.
Kung aayusin lamang ng MWSS ang mga tubo nito at magiging masinop sa paggamit ng tubig, hindi na mangangailangan pa ng pagtatayo ng tatlong dam sa Quezon, Rizal at Laguna. Higit pa umanong makasasama sa kalikasan ang pagtatayo ng mga dam sapagkat mawawala ang flora at faura kasabay ng magandang biodiversity.
Ayon kay Engr. Estioko, kailangang magkaroon ng mekanismo upang maipon ang tubig ulan. Kumukuha na rin ang pamahalaan ng hanggang 100 milyong litro ng tubig bawat araw mula sa tubig sa Lawa ng Laguna.
Hindi ganoon kadali na gumamit ng desalination plant sapagkat mahal pa ang teknolohiyang ito.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |