Kuala Lumpur, Malaysia—Ipinahayag dito kamakailan ni Ahmad Zahid Hamidi, Pangalawang Punong Ministro ng Malaysia, na umaasa ang kanyang pamahalaan na sa pamamagitan ng visa free policy para sa mga Tsino, makakahikayat ng 8 milyong turistang Tsino ang Malaysia sa kasalukuyang taon. Inaasahan din aniya ng Malaysia na sa taong 2020, makakahikayat ng 36 milyong manlalakabay, at makakalikha ng di-kukulangin sa 168 bilyong Malaysian Ringgit (mahigit 39.9 bilyong dolyares) na tourism revenue.
Ayon naman kay Nazri Abdul Aziz, Ministro ng Turismo ng Malaysia, noong 2014, 27.4 milyong turista ang bumisita sa Malaysia, at ito ay lumaki ng 6.7% kumpara noong 2013. Kahit bumaba sa 25.7 milyong person-time ang bilang ng mga manlalakbay sa bansa noong 2015, sa pamamagitan ng pagbibigay ng visa free entry sa mga turistang Tsino, may pag-asang makalikha ng bagong rekord sa kasaysayan, aniya pa.
Noong ika-28 ng Enero, 2016, ipinatalastas ni Punong Ministro Najib Tun Razak ng Malaysia, na upang mapasulong ang industriya ng turismo, isasagawa ang visa free policy sa mga turistang Tsino, mula unang araw ng Marso hanggang ika-31 ng Disyembre ng taong ito.
Salin: Vera