White House, Amerika--Kinatagpo nitong Miyerkules, Pebrero 24, 2016 (local time) ni Pangulong Barack Obama si Wang Yi, dumadalaw na Ministrong Panlabas ng Tsina.
Naunang ipinaabot ni Wang ang pangungumusta ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina kay Obama. Ipinahayag ni Wang na sa pamumuno ng liderato ng dalawang bansa, nakapagtatamo ng bagong progreso ang relasyong Sino-Amerikano sa iba't ibang larangan. Nakahanda aniya ang Tsina na pahigpitin ang pakikipagtulungan sa Amerika sa mga isyung panrehiyon at pandaigdig , at magkasamang tugunan ang mga pandaigdig na hamon. Ipinahayag din ni Wang ang pagkatig ng panig Tsino sa Ika-4 na Nuclear Security Summit na gaganapin sa Amerika sa katapusan ng darating na Marso.
Ipinaabot naman ni Obama ang kanyang pangungumusta kay Pangulong Xi. Mataas ang kanyang pagtasa sa kooperasyong Sino-Amerikano sa pagharap sa pagbabago ng klima at iba pang mga isyung panrehiyon. Ipinahayag din ni Obama ang pagpapahalaga sa relasyong Sino-Amerikano at kailangan aniyang ipagpatuloy ng dalawang bansa ang koordinasyon. Pinananabikan niya ang pagdalo ni Pangulong Xi sa idaraos na Nuclear Security Summit, dagdag pa ni Obama.
Tagapagsalin: Jade
Tagapagpulido: Rhio