Ayon sa ulat ng Korean Central News Agency, nagpalabas noong Biyernes, ika-4 ng Marso 2016, ng pahayag ang tagapagsalita ng pamahalaan ng Hilagang Korea na nagsasabing hindi nila tinatanggap ang bagong resolusyong pinagtibay kamakailan ng United Nations Security Council (UNSC) na may kinalaman sa Hilagang Korea. Bilang tugon dito, isasagawa aniya ng kanyang pamahalaan ang matatag na hakbangin.
Sinabi ng nasabing tagapagsalita na ang nuclear test ng Hilagang Korea ay hakbanging nuklear at pandepensa sa pagharap sa patakarang ostilo at tumitindi nang tumitinding pananakot-dahas na nuklear ng Amerika sa Hilagang Korea. Ito aniya ay para mapangalagaan ang soberanya ng bansa at karapatan sa buhay ng nasyon. Ang paglulunsad ng Hilagang Korea ng satellite ay lehitimong karapatan ng mga soberanong bansa na kinikilala ng komunidad ng daigdig, dagdag pa niya.
Salin: Vera