|
||||||||
|
||
IPINALIWANAG ni Foreign Secretary Jose Rene Almendras na hindi nakasalalay ang relasyon ng Pilipinas at Tsina sa South China Sea.
Sa kanyang unang pagharap sa mga mamamahayag, sinabi ni Secretary Almendras na may nilagdaang kasunduan ang Pilipinas at Tsina noong 2011 na nagsasabing hindi lamang nakasalalay ang pagkakaibigan ng dalawang bansa sa karagatan sapagkat mayroon pang nalalabing mga larangan tulad ng pagkakaibigan ng mga mamamayan at sa kalakalan.
RELASYON NG PILIPINAS AT TSINA, MAGANDA. Ito ang sinabi ni Foreign Secretary Jose Rene Almendras sa kanyang unang press briefing sa Department of Foreign Affairs. Panauhin niya si Chinese Ambassador Zhao Jianhua pagkatapos ng kanyang pagharap sa media. Social visit lamang ang pagdalaw na ito, dagdag pa ni Secretary Almendras. (Melo M. Acuna)
Binanggit pa ni Secretary Almendras na panauhin niya sa kanyang tanggapan si Chinese Ambassador Zhao Jianhua na itinuturing niyang malapit na kaibigan. Noon umanong dumalaw si Ambassador Zhao sa kanyang opisina sa Malacanang ay inayos pa ng opisyal na Tsino ang kanyang kagamitan ayon sa feng shui.
Isang pagdalaw ng kaibigan sa kaibigan ang magaganap pagkatapos ng kanyang press briefing. Wala umanong paksang pag-uusapan sa pagdalaw na iyon.
Si Ambassador Zhao ang ika-apat o ikalimang ambassador na kanyang panauhin sa araw na ito. Maglilingkod si Secretary Almendras sa Department of Foreign Affairs hanggang sa ika-30 ng Hunyo ng taong ito sa pagpapalit ng administrasyon.
Maganda umano ang sistema ng pagbabantay ng mga embahada ng Pilipinas sa buong daigdig sapagkat matapos ang isang oras ay mayroon nang update hinggil sa pagbagsak ng eroplano sa Russia na nagsasaad na walang Pilipinong nasawi o nasugatan.
Ito rin ang balita mula sa Turkey, isang oras matapos ang ginawang krimeng ikinasawi ng mga banyagang turista. Mayroon umanong magandang situation room sa Department of Foreign Affairs.
Si Secretary Almendras ang pumalit kay Secretary Albert F. del Rosario na nagbitiw noong nakalipas na lunes, ika-pito sa buwan ng Marso dahil sa kanyang karamdaman.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |