|
||||||||
|
||
Vice Chairman Liu Zhiyong (sa kanan) ng CPPCC Guangxi Committee at Undersecretary Ponciano Manalo (sa kaliwa) ng DTI (Larawang kinuha ni Zhuang Mingdeng ng Chinese Commercial News)
Guangxi, Tsina --- Sa pakikipagtagpo ngayong araw ni Liu Zhiyong, Vice Chairman ng Chinese People's Political Consultative Conference (CPPCC), Guangxi Committee kay Department of Trade and Industry (DTI) Undersecretary Ponciano Manalo, Head of Delegation ng Pilipinas sa Ika-12 China ASEAN Exposition (CAExpo), sinabi niyang napakaganda ng tunguhin ng relasyong pang-negosyo ng Guangxi at Pilipinas nitong nakaraang mga taon.
Kalakalan ng Guangxi at Pilipinas, lumaki
Aniya, noong 2014, ang trade volume ng dalawang panig ay umabot sa $410 milyong dolyares: ito ay mas mataas ng mahigit 113% kumpara sa trade volume noong 2013.
Bukod dito, ang pag-aangkat at pagluluwas ay umabot din sa $350 milyong dolyares noong nakaraang taon; mas mataas ng halos 134% kumpara sa 2013.
Dagdag ni Liu, ang mga ito ay tanda ng mabuting relasyon ng dalawang panig at pagsusulong ng magkakasamang pagtatatag ng 21st Century Maritime Silk Road na siya ring tema ng kasalukuyang CAExpo.
Mga mungkahi para mapalakas ang ugnayang pang-ekonomiya
Samantala, nagbigay rin si Liu ng 3 mungkahi upang lalo pang mapalakas ang relasyon ng Guangxi at Pilipinas, at mapatatag ang pagtatayo ng Silk Road Economic Belt.
Ang una ay tungkol sa Maritime Cooperation: kailangan aniyang isulong ang kooperasyon ng dalawang panig sa larangan ng mas bukas na negosyo sa mga puwerto at shipping enterprise.
Ang pangalawa ay hinggil naman sa Pagpapalakas ng Kooperasyon sa Agrikultura: maganda aniya ang prospek ng negosyo ng tubo, kaya mas makakabuting palakasin ng dalawang panig ang pagpapalitan sa larangang ito.
Ang pangatlo ay tungkol sa Pagtatayo ng Magkapatid na Lunsod o Sister Cities: para mapanatili ang momentum ng pag-unlad ng dalawang panig, ang pagkakaroon ng sister cities ay nararapat upang mapaigting ang kooperasyon sa negosyo, agrikultura, at kooperasyong pandagat.
Ekonomiya ng Pilipinas, patuloy ang paglakas
Samantala, ipinahayag naman ni Undersecretary Manalo, ang patuloy na paglakas ng ekonomiya ng Pilipinas.
Aniya, noong Ika-2 kuwarter ng taong ito, umabot sa 5.6% ang Gross Domestic Product (GDP) ng Pilipinas: ito ay mas mataas sa 5.2% na GDP ng parehong kuwarter ng tinalikdang taon.
Dagdag pa ni Manalo, mataas din ang konsumong panloob ng Pilipinas dahil sa malakas na service sector ng bansa at padala mula sa mga Overseas Filipino Workers (OFW).
Mga oportunidad para sa pagtutulungang Sino-Pilipino
Dahil sa mga ito, marami aniyang oportunidad ang dalawang panig upang magtulungan sa maraming larangan, lalo na sa pagtatayo ng negosyo.
Sa kabilang dako, ipinahayag ni Manalo ang pagkagalak sa malakas na suporta ng Tsina sa pagtatayo ng ASEAN Community. Dagdag niya, malaki ang maitutulong ng pag-a-upgrade ng China ASEAN Free Trade Area (CAFTA) sa layuning ito.
Hinggil sa unang mungkahi ni Liu Zhiyong tungkol sa Maritime Cooperation, sinabi ni Undersecretary Manalo na mayroon na ngayong bagong batas ang Pilipinas na magpapadali sa pagdidiskarga ng kalakal mula sa mga dayuhang barko. Aniya, ito ay makakatulong sa pagpapalakas ng distribusyon at pagpapababa sa presyo ng mga produkto.
Dagdag ni Manalo, ang batas na ito ay may direktang kinalaman sa pagpapalakas ng kooperasyon sa agrikultura ng dalawang panig, na siya ring ika-2 mungkahi ni Liu. Bukod dito, nariyan din ang mga trade agreement ng Tsina at Pilipinas upang palakasin ang kooperasyon ng dalawang panig sa agrikultura.
Tungkol naman sa pagtatayo ng Sister Cities, isusulong ito, ani Manalo.
Marami aniyang matututunan ang Pilipinas sa Guangxi pagdating sa pagsusulong ng pag-unlad; at ang pagtatayo ng Sister Cities ay isang mabuting paraan upang makamtan ang pag-unlad, mapalakas ang pagpapalitan, maisulong ang pag-uunawaan, at maitayo ang 21st Century Maritime Silk Road.
Optimisko aniya siyang magiging tagumpay ang Economic Silk Road, at sa pamamagitan nito, uunlad at lalakas ang ugnayan sa karagatan ng mga bansa sa rehiyon.
#end
Ulat: Rhio/Ernest/
Editor: Mac/Jade
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |