Ipinahayag noong Huwebes, ika-18 ng Pebrero, 2016, ni Tagapagsalita Hong Lei ng Ministring Panlabas ng Tsina na hindi tinatanggap ng kanyang bansa ang mediyasyon sa South China Sea na unilateral na iniharap ng Pilipinas, at ito ay may sapat na batayan sa pandaigdigang batas.
Ani Hong, pagkaraang sumapi sa UN Convention on the Law of the Sea at ayon sa ika-298 tadhana ng kombensyon, hayagang ipinalabas noong 2006 ng Tsina ang hindi pagtanggap ng mediyasyon sa isyung may kinalaman sa teritoryo, soberanya, at karapata't kapakanang pandagat. Sa mula't mula pa'y iginigiit aniya ng Tsina ang paninindigang ito. Sa katunayan, mahigit 30 bansa sa daigdig ang gumawa ng ganitong pahayag.
Dagdag pa niyang ang unilateral na pagharap ng Pilipinas ng mediyasyon sa South China Sea ay pagtalikod sa sariling pangako: unang una, ayon sa unibersal na aksyon sa daigdig, ang mediyasyon ay dapat may pagsang-ayon ng mga may kinalamang panig. Ika-2, narating minsan ng panig Pilipino at Tsino ang komong palagay hinggil sa paglutas sa mga kinauukulang isyu, sa pamamagitan ng bilateral na diyalogo at talastasan. Aniya, ang kilos ng panig Pilipino ay tumatalikod sa sariling pangako. Ika-3, lumagda ang Pilipinas sa "Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea" (DOC), at ang isa sa mga mahalagang nilalaman ng DOC ay resolbahin ng mga may direktang kinalamang panig ang mga alitan sa South China Sea, sa pamamagitan ng talastasan. Ang kilos ng panig Pilipino ay lumabag sa DOC, sinabi pa ni Hong. At ika-4, hindi aniya angkop sa katotohanan ang umano'y "ginamit ng panig Pilipino ang lahat ng paraang pulitikal at diplomatiko para mapayapang malutas ang alitan."
Tinukoy ni Hong na ang unilateral na pagharap ng Pilipinas ng mediyasyon ay naglalayong pabulaanan ang soberanya at karapata't kapakanan ng Tsina sa nasabing karagatan. Imposibleng maisakatuparan ang tangkang ito, ayon pa kay Hong.
Salin: Vera