|
||||||||
|
||
(mula kaliwa: Si Tony Wei, West Kitchen Chef ng C & D Hotel, Bb Xu Xiaorong, General Manager ng C & D Hotel, Zhang Guoliang, Pangalawang Puno ng Kawanihan ng Turismo ng Xiamen, Consul General Julius Caesar Flores at Chef Ramon Antonio)
Tokwa't Baboy na may dressing na suka't kapeng barako
Mula Abril 23, isang buwang matitikman ng mga bisita ng C & D Hotel, Xiamen, ang piling pagkaing Pilipino.
Sa seremonya ng pagbubukas, sinabi ni Consul General Julius Caesar Flores na ang pagkaing Pilipino ay mayaman, magkakaiba at bukod-tangi dala ng impluwensiya ng kultura mula sa Silangan at Kanluran. Dagdag niya, ilan sa mga putahe ng bansa ay may katulad na katangian ng pagkaing Tsino na kinabibilangan ng lutuing Fujian.
Aniya pa lagi niyang binibigyang-diin na ang kultura ay mahalagang instrumento sa pagsusulong ng pag-uunawaan, pagkakaibigan at kooperasyon sa pagitan ng Pilipinas at Tsina at maging sa mga mamamayan nito. Aniya pa, ang pagtikim sa pagkain ay elemento ng kultura na naiiba at kaaya-ayang karanasan.
Para ibida ang putaheng Pinoy inanyayahan ng Konsulado ng Pilipinas sa Xiamen si Ramon Antonio, kilala sa kanyang masigasig na pananaliksik sa mga limot at nawalang lutuin sa iba't ibang rehiyon ng bansa. Misyon niyang hanapin ang mga lola, mga manang at kusinero sa mga probinsya para pag-aralan ang mga lutuing inihahain noong sinaunang panahon.
Sa panayam ng CRI Serbisyo Filipino, sinabi ni Ginoong Antonio na isang "giyera" ang kanyang inilulunsad kaya suot niya ang apron na may disenyo ng bandila. Bilang isang "mandirigma sa kusina" isinusulong niya ang laban kontra sa pagpapabaya at paglimot sa mga sinaunang putahe. Adbokasiya rin niya ang muling pagbuhay sa interes ng kanyang mga kababayan at mga dayuhan sa lokal na pagkain tulad ng adobong alimango at liempo ng Pampanga at puto mangga at lumpiang ngoyong ng Cebu.
Si Chef Ramon Antonio (kaliwa) at Mac Ramos (kanan)
Tampok sa Philippine Food Festival ang pamosong mangga na ihahanda na hilaw, manibalang at hinog sa iba't ibang panghimagas. Di-bababa sa 15 tunay na putaheng Pinoy ang ihahain sa Green Yard Coffee Shop ng C & D Hotel.
Cheese cake na may pinya at mangga
Bibingka
panghimagas
pampagana
Tatlong beses nang idinaraos sa C & D Hotel ng Xiamen ang Philippine Food Festival. Sinabi ni Xu Xiaorong, General Manager ng hotel na ikinararangal at ikinagagalak ng mga kusinero ng C & D, kasama ng team ni Chef Antonio na isilbi sa mga customer ang mga natatanging pagkaing Pinoy. Hangad niyang sa pagtikim ng mga pagkain, mapapayaman ng mga customer ang kanilang kaalaman hinggil sa kulturang Pilipino. Sinabi rin ni Xu na bagong talaga siya sa posisyon kaya, ito ang unang pagkakataong natikman niya ang pagkaing Pinoy at ang mga panghimagas na gawa sa mga mangga ang pinakamalinamnam para sa kanya.
Si Xu Xiaorong, General Manager ng C & D Hotel
Bukod sa delegasyon mula sa Maynila at Davao at piling kababayan mula sa Filipino community ng Xiamen, dumalo rin sa pormal na pagbubukas ng Philippine Food Festival sina Zhang Guoliang, Pangalawang Puno ng Kawanihan ng Turismo ng Xiamen, Xu Xiaorong, General Manager ng C & D Hotel at iba pang mga opisyal ng Xiamen.
Ulat: Mac/Jade
Photographer: Ernest/Jade
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |