Tinanggap nitong Huwebes, April 28, 2016, ni Huang Huikang, Embahador Tsino sa Malaysia, ang titulong "Language and Culture Ambassador" na magkasamang iginawad ng Dewan Bahasa dan Pustaka (DBP) o Malaysian Institute of Language and Literature, at Han Culture Centre ng Malaysia.
Si Huang ang unang embahador na tumanggap ng ganitong award sa kasaysayan ng Malaysia.
Sinabi ni Goh Hin San, Tagapagsalita ng Han Culture Centre, na sa pamamagitan ng pagsisikap ni Embahador Huang, magkasamang isinapubliko ng mga limbagan ng dalawang bansa ang mga kilalang akda ng Tsina sa Malaysia at narating ng dalawang bansa ang mga proyekto ng kooperasyon at pagpapalitan ng literatura.
Sinabi ni Huang na bilang Embahador Tsino sa Malaysia, may obligasyon siya sa pagpapasulong ng pagpapalitan at pagtutulungan ng mga mamamayan ng dalawang bansa.
Umaasa aniya siyang sa hinaharap, isasalin ang mas maraming akdang Malay sa wikang Tsino at ililimbag ang mga ito sa Tsina.