NAGSIMULA nang bumuo ng transition committee si Mayor Rodrigo Duterte upang matiyak na magiging maayos ang pagsasalin ng poder sa oras na maproklamang nagwagi bilang pangulo ng bansa.
Ayon kay Peter Tiu Lavina, tagapagsalita ni Mayor Duterte, apat na major teams ang kanilang inihahanda. Sa isang press conference sa Davao City, sinabi ni Lavina na ang transition government ay mabubuo ng overall transition committee at tatlong sub-committees. Kabibilangan ang sub-committees ng selection committee, policy group at inauguration committee.
Lima katao ang bubuo ng transition committee. Magkakaroon ng opisyal na pahayag sa oras na sumang-ayon na si Mayor Duterte sa mga pangalan.
Ipinagpasalamat ni Lavina ang pahayag ng Malacanang na magkakaroon ng maayos na transition o paglilipat ng poder sa mga susunod na araw.