|
||||||||
|
||
MAY kanya-kanyang isinusulong na agenda ang mga partylist na kumakatawan sa iba't ibang sektor ng lipunan.
Ito ang niliwanag ng nominees na kumakatawan sa PBA, sa FICTAP, ANGKLA at Migrante sa katatapos na "Tapatan sa Aristocrat" kaninang umaga. Ipinaliwanag ni Jericho Nograles ng PBA na isusulong nila ang pagkakaroon ng maayos na tanggapan ng pamahalaan upang mapayabong ang kakayahan ng mga manlalarong Filipino mula sa mga barangay hanggang sa pandaigdigang larangan.
KUNG MAY PENSION ANG MGA ALAGAD NG SINING AT AGHAM, KAILANGAN DIN ITO NG MGA ATLETA. Ito naman ang sinabi ni Jericho "Koko" Nograles ng PBA Partylist na nagsusulong ng benepisyo para sa mga manlalaro sa amateur at professional sectors. Kailangan ito upang masuklian ang mga nagagawa ng mga manlalarong nagdala ng karangalan para sa bansa, dagdag pa ni G. Nograles. (Melo M. Acuna)
Ani "Koko" Nograles, mula ng mabuwag ang Department of Education, Culture and Sports, isang problema na ang pag-aalaga sa mga manlalaro sa amateur at professional sectors.
Kahit umano pagpapaliga sa barangay ay mangangailangan na ng salapi. May sapat na salapi ang pamahalaan subalit hindi napakikinabangan ng iba't ibang sektor sa lipunan sapagkat nalilimutan ang kahalagahan ng kontribusyon ng mga atleta.
Isusulong din nila ang pagkakaroon ng pensyon para sa mga tumatandang manlalaro upang hindi na sila mamalimos at lubusang maghirap sa oras ng pagkakasakit. Ani G. Nograles, kung ang mga alagad ng Sining at Agham ay mayroong pensyon, hindi niya lubos maisip ang kawalan ng pensyon ng mga manlalarong Filipino.
Sa oras na tumanda ang isang manlalarong nagdala ng karangalan sa bansa ay hirapan na siyang tugunan ang pangangailangan sa buhay tulad ng pagkain at gamot.
INTERNET CONNECTIVITY, SUSI NG KAUNLARAN. Nanindigan si Gng. Neng Juliano Tamano ng FICTAP Partylist na mahalaga ang pagbabago ng batas sa larangan ng komunikasyon upang umunlad ang bansa. Kabilang dito ang pagkakaroon ng murang internet connections sa Pilipinas. Napabayaan umano ito ng pamahalaan at kailangang baguhin ang batas, anon kay Gng. Tamano. (Melo M. Acuna)
Ayon naman kay Gng. Neng Juliano Tamano, nagkaisa silang mga cable television service providers sa buong bansa na bumuo ng isang partido politikal upang isulong ang kanilang adhikain na mapababa ang halaga ng internet sa Pilipinas.
Hindi umano sila magkaroon ng kakayahang direktang bumili ng kailangan sa internet sapagkat may batas na nagbabawal magkaroon ng international gateway kung walang 300,000 subscribers. Tanging malalaking telecommunication companies lamang ang nakabibili at nakapag-papalabas ng internet service sa napakamurang halaga.
Matagal na umano ang batas hinggil sa komunikasyon, ilang dekada pa bago dumating ang wireless communications sa bansa. Ipinaliwanag pa ni Gng. Tamano pa na kahit ang wireless internet para sa mga maliliit na bayan ay kanilang dinadaluhan na lalo pa't itinatadhana ito ng batas. Ang connectivity ang kailangan upang higit na umunlad ang bansa. Kahit ang mga magsasaka ay umaasa na sa "connectivity" upang magkaroon ng sapat na impormasyon sa halaga ng mga produktong bukid.
DAPAT ALAGAAN ANG MGA MAGDARAGAT. Ito naman ang panawagan ni Capt. Ronald Enrile ng ANGKLA partylist sapagkat may 400,000 mga magdaragat sa buong daigdig. Malaking salapi ang ipinadadala ng mga magdaragat na nakatutulong sa ekonomiya. Sumasahod umano ang mga kapitan ng barko ng US$ 8,000 bawat buwan. (Melo M. Acuna)
Ipinaliwanag naman ni Capt. Ronaldo Enrile, vice-chairman ng ANGKLA partylist na dumadalo ang kanilang grupo sa mga pangangailangan ng may 400,000 mga magdaragat na naglilingkod sa iba't ibang bahagi ng daigdig.
Naipanukala na ng kanilang partylist ang pagkakaroon ng iisang oipisina na dadalo sa mga pangangailangan ng mga magdaragat sapagkat hirapan sila sa pagkakaroon ng mga papeles na napoproseso sa iba't ibang tanggapan. Sa pagkakaroon ng MARINA, madali nang madaluhan ang mga pangangailangan ng mga magdaragat.
Kasama rin sa kanilang isinusulong ang pagkakaroon ng insentibo sa mga shipbuilding facilities na pag-aari ng mga Filipino. Kasabay na rin sa kanilang babantayan ang pagpapatakbo ng mga maritime school sa iba't ibang bahagi ng Pilipinas.
Para kay Gary Martinez ng MIGRANTE, kahit pa milyun-milyon ang mga Filipino at bilyon-bilyong piso ang ang naipadadalang salapi sa Pilipinas, kulang pa rin ang serbisyong naibibigay ng pamahalaan. Isang problema na binanggit ni G. Martinez ang kakulangan ng mga embahada at konsulada ng Pilipinas sa mga bansang maraming mga manggagawang naglilingkod.
Isang problema pa rin ang kakayahan ng mga botanteng makalahok sa halalan sapagkat oras ang bibilangin upang makarating sa konsulada at embahada. Niliwanag din ni G. Martinez na kulang ang legal assistance na ibinibigay ng pamahalaan sa mga problemadong manggagawa.
Kailangang matugunan ang mga problemang ito ay matututukan lamang sa oras na magkaroon ng kinatawan sa Mababang Kapulungan.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |