|
||||||||
|
||
NANINIWALA ang karamihan ng mga panauhin sa idinaos na Tapatan sa Aristocrat na may naganap na hiwaga sa katatapos na halalan.
Ani Prof. Danilo Arao ng University of the Philippines College of Mass Communication, isa sa mga nagbantay sa halalan, sa isang barangay sa Lamitan, Basilan, nagkaroon ng botong 598 si Liberal Party standard bearer Manuel Araneta Roxas at parehong boto si vice presidential candidate Leni Robredo. Dadalawang boto lamang ang natanggap ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte samantalang pawang "zero" ang ibang mga kandidato.
Samantala, sinabi naman ni Arsobispo Oscar V. Cruz, dating pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines na pawang pagdududa ang idinudulot ng Smartmatic sa buong proseso ng halalan mula pa noong nakalipas na 2010 at 2013 elections. Makabubuting tapusin na ang pakikipag-ugnayan ng Commission on Elections sa Smartmatic upang maiwasan na ang pagdududa ng madla sa proseso.
Sa panig ni G. Antonio "Butch" Valdez, pangulo ng Philippine LaRouche Society, hindi na kasama ang Smartmatic sa talaan ng technology providers ng Commission on Elections subalit matapos dumalaw si Lord Mark Malloch-Brown sa Malacanang noong Enero ay biglang nagbago ang ihip ng hangin.
Sinabi naman ni De La Salle University Professor Richard Javad Heydarian na higit na makabubuting tapusin na ang kontrata ng Pilipinas sa Smartmatic sapagkat mas maraming kontrobersya ang lumalabas. Hindi rin niya maipaliwanag sa kanyang sarili kung anong ginagawa ng isang kumpanyang banyaga sa halalang makapagbabago ng takbo ng kasaysayan ng bansa.
Sa kabilang dako, sinabi ni Professor Arao na makabubuting balikan ang ginawang coverage ng mga mamamahayag sa mga kumandidato sa pagkapangulo sapagkat napupuna ang pagkakaroon ng Stockholm Syndrome na tanging ang mabubuting katangian ng kandidato ang natatampok sa mga balita sapagkat nakikinabang din naman sila sa mainit na pagtanggap ng mga tauhan ng mga kandidato sa pangkapangulo at pangalawang pangulo.
Hindi na umano naririnig ang mga pagkukulang ng mga kandidato sapagkat naiiba na ang mga balitang naitatampok.
Mas makabubuting gastusan na ng mga himpilan ng telebisyon, radyo at maging ng mga pahayagan ang pamasahe, pagkain at hotel accommodations ng mga mamamayahag na nakatutok sa partikular na kandidato. Nais di naman ng mga kumpanyang huwag mahuli sa balita kaya't sila na ang gumastos sa paghahabol ng mga mamamahayag sa iba't ibang bahagi ng bansa.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |