TINAWAGAN ni House Speaker Feliciano Q. Belmonte, Jr. ang mga kandidato sa pagkapangulo na ipakita ang kanilang pagiging bukas sa paghahayag ng kanilang health at financial records.
Maihahalintulad sa mga naghahanap ng trabaho ang mga kandidato lalo pa't ang isang aplikante ay naghahabol ng mahalagang uri ng trabaho, at ang mga mamamayan ang siyang magiging "employer." Mahalagang mabatid ng lahat ang kakayahan at kaukulang credentials. Ang karanasan, background at kalusugan ay mahalaga para sa gawaing mangangailangan ng kakayahan upang mamuno sa loob ng anim na taon.
Kailangang mabatid ng madla kung maayos ang pangangatawan, pag-iisip, maayos ang emosyon at pag-uugali upang maging pangulo. Ang financial status ang magpapakita ng kanilang yaman, net worth at business interests upang mawala ang pagdududa ng madla sa illegal wealth.
Kailangang walang itatago ang sinumang kandidato sa pagkapangulo lalo pa't maayos ang kanyang kalusugan at pananalapi.