Sa Beijing, nitong Martes, Hunyo 7, 2016-Kinatagpo ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina sina John Kerry, State Secretary at Jacob J.lew, Treasury Secretary ng Amerika. Dumating sila sa Beijing para sa 8th China-US Strategic and Economic Dialogues at 7th China-US Meeting on People-to-People Exchanges.
Tinukoy ni Pangulong Xi na mabunga ang nasabing dalawang pagpapalitang bilateral, batay sa magkasamang pagsisikap ng Tsina at Amerika. Umaasa aniya siyang tutupdin ng dalawang panig ang narating na komong palagay, para makinabang ang mga mamamayang Tsino at Amerikano mula rito. Ipinahayag ni Pangulong Xi ang pag-asang ibayong mapapahigpit ng Tsina at Amerika ang pagtutulungan sa kabuhayan, kalakalan, pamumuhunan, malinis na enerhiya, pangangalaga sa kapaligiran at iba pang larangan; mapapalakas ang pagpapalitan at koordinasyon sa mga suliraning panrehiyon at pandaigdig. Umaasa aniya siyang mapapalawak ng dalawang panig ang pagpapalitan sa ibat-ibang sektor para itayo ang mas maraming tsanel at tulay, para mapalakas ang pagpapalitan sa pagitan ng mga mamamayan ng dalawang bansa.
Nang mabanggit ang pagkakaiba ng palagay sa pagitan ng Tsina at Amerika, ipinahayag ni Pangulong Xi ang pag-asang igagalang ang kani-kanilang nukleong interes, kokontrolin at lulutasin ang alitan sa pamamagitan ng konstruktibong paraan at mapayapang diyalogo. Ito aniya'y para pangalagaan ang pag-unlad ng relasyong Sino-Amerikano sa tumpak at malusog na direksyon.
Ipinahayag naman nina John Kerry at Jacob J.lew na mahalaga ang talumpating binigkas ni Pangulong Xi sa magkasanib na seremonya ng pagbubukas ng 8th China-US Strategic and Economic Dialogues at 7th China-US Meeting on People-to-People Exchanges. Ito anila'y tumiyak sa direksyon ng kasalukuyang diyalogo ng dalawang panig. Hinihintay anila ni Pangulong Barack Obama ang nakatakdang pakikipag-usap kay Pangulong Xi, sa sideline ng G20 Summit sa Hangzhou, Tsina, sa darating na Setyembre, 2016. Nakahanda anila ang Amerika na magsikap, kasama ng Tsina para matamo ang tagumpay ng nasabing summit. Ipinahayag nilang positibo ang Amerika sa kasaganaan at kasiglaan ng Tsina. Anila, ang relasyong Sino-Amerikano ay nagsisilbing pinakamahalagang bilateral na relasyon sa daigdig, at pinatutunayan ang mga ito sa pamamagitan ng mabibisang pagtutulungan ng dalawang panig sa isyung may-kinalaman sa pagbago ng klima at mga ibang mahahalagang isyung panrehiyon at pandaigdig. Anila pa, malaki ang potensyal ng dalawang panig sa ibat-ibang larangang pangkooperasyon, at kayang-kaya ng dalawang panig na hawakan ang pagkakaiba ng palagay, sa pamamagitan ng maayos na paraan.
Nang araw ring iyon, kinatagpo rin ni Premyer Li Keqiang ng Tsina sina John Kerry at Jacob J.lew, sa Beijing.