INAMIN ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III kanina na pinag-aralan niyang ilagay ang buong lalawigan ng Sulu sa ilalim ng batas militar upang habulin ang mga kasapi ng Abu Sayyaf na may hawak pang mga banyagang bihag.
Sa isang news briefing sa Camp Teodolfo Bautista kanina, sinabi ni G. Aquino na pinag-aralan niyang ilagay ang Sulu sa batas militar may tatlong linggo na ang nakalilipas upang mailigtas ang mga bihag.
Hindi niya itinuloy ang balak sapagkat baka kumampi pa ang mga mamamayan sa Abu Sayyaf. Sinuri umano nila ang pangangailangan ng mas maraming kawal upang ipatupad ang batas militar. Pinag-usapan ang balak samantalang papalapit na ang taning sa paghahatid ng ransom para kay Robert Hall.
Idinagdag pa niyang malapit na sanang makubkob ng mga kawal ang mga terorista. Pinugutan ng mga armado si Hall matapos hindi magbigay ng ransom ang pamahalaan.
Lumipad si Pangulong Aquino sa Jolo upang pangasiwaan ang pagpupulong ng mga alagad ng batas na kinabibilangan nina Defense Secretary Voltaire Gazmin at Interior Secretary Mel Senen Sarmiento.