Sa panahon ng kanyang paglahok sa Porum ng Tsina at Europa hinggil sa Reporma sa Brussels, Belgium, kinapanayam ng media Miyerkules, ika-15 ng Hunyo, 2016, si Yan Yan, Pangalawang Direktor ng Departamento ng Pagpapalitang Panlabas ng National Institute for South China Sea Studies ng Tsina.
Noong unang dako ng taong 2013, inilunsad aniya ng Pilipinas ang "patalastas at paninindigan sa karapatan" sa Tsina na kinabibilangan ng 15 kahilingan ng arbitrasyon. Binatikos nito ang iba't ibang paninindigan ng Tsina sa South China Sea. Ang mga ito, anang Pilipinas ay labag sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS). Kaugnay nito, binigyang-diin ni Yan na ang esensya ng nasabing 15 kahilingan ay isyu ng soberanya ng mga pulo at batuhan. Aniya, ayon sa tadhana ng UNCLOS, ang isyu ng teritoryo at soberanya ay isinasa-isantabi sa labas ng UNCLOS, at walang karapatan sa pangangasiwa ang arbitration tribunal sa alitan ng Tsina at Pilipinas.
Sinabi pa niyang ang pag-akyat sa poder ni President-elect Rodrigo Duterte ay magbubunsod ng posibilidad para sa ibayo pang pag-uugnayan ng Tsina at Pilipinas sa kanilang alitan sa South China Sea. Aniya, malinaw na ipinahayag ni Duterte na nakahanda siyang panumbalikin ang pakikipagtalastasan sa Tsina, at lutasin ang alitan sa pamamagitan ng bilateral na talastasan. Malinaw din niyang ipinahayag ang kahandaang talakayin, kasama ng Tsina ang isyu ng magkasamang paggagalugad sa nasabing karagatan. Kasabay nito, patuloy na ipinahayag ng pamahalaang Tsino na nananatiling bukas ang pinto nito para sa bilateral na talastasan. Ipinalalagay ni Yan na maaaring bumalik ang dalawang bansa sa landas ng bilateral na talastasan.
Salin: Vera