Sa kanyang pahayag sa Beijing, Linggo, ika-19 ng Hunyo, 2016 sinabi ni Hua Chunying, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina na noong ika-17 ng buwang ito, habang normal na nangingisda ang mga mangingisdang Tsino sa kanilang tradisyonal na pangisdaan sa gawing Timog Kanluran ng South China Sea, sila'y sapilitang pinigilan at binaril ng mga Indonesian Navy Vessel. Isang bapor pangisda ang nasira at nasugatan ang isang tripulante nito. Samantala, idinetine ang isa pang bapor pangisda at 7 tripulante nito.
Ani Hua, ang rehiyong pandagat kung saan naganap ang pangyayari ay pinagtatalunang teritoryo ng Tsina at Indonesya. Ang labis aniyang paggagamit ng dahas ng Indonesian Navy sa mga bapor pangisdang Tsinio ay labag sa UN Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea (DOC). Ipinahayag ng Tsina ang matinding kondemnasyon tungkol sa aksyong ito.
Nananawagan aniya ang Tsina sa Indonesya na huwag magsagawa ng mga aksyong makakapagpasalimuot at makakapagpalaki sa isyu, at makakasira sa kapayapaan at katatagan ng rehiyon. Dapat konstruktibong hawakan ang mga isyung pangisda, dagdag ni Hua.
salin:wle