Sa Tashkent, kabisera ng Uzbekistan-Nag-usap dito Miyerkules, Hunyo 22, 2016 sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Islam Karimov ng Uzbekistan. Positibo ang dalawang panig sa kanilang tradisyonal na mapagkaibigang bilateral na relasyon. Ipinahayag ng Tsina at Uzbekistan ang ibayong pagpapalawak ng estratehikong pagtutulungan sa ibat-ibang larangan.
Binigyang-diin ni Pangulong Xi na nitong 2012 sapul nang maitatag ang estratehikong partnership, nananatiling mabunga ang pagtutulungan ng Tsina at Uzbekistan sa pagtitiwalaang pampulitika, kooperasyong may mutuwal na kapakinabangan, at estratehikong koordinasyon. Nakahanda aniya ang Tsina na magsikap, kasama ng Uzbekistan, para ibayong palakasin ang bilateral na relasyon ng dalawang bansa, upang matamo ang mas maraming aktuwal na resulta.
Ipinahayag naman ni Pangulong Karimov na ibayong mapapasulong ng kasalukuyang pagdalaw ni Pangulong Xi sa Uzbekistan ang umiiral na mapagkaibigang relasyon ng dalawang bansa. Aniya, sinuportahan at susuportahan ng Uzbekistan ang unipikasyon ng Tsina, at ang paninindigan ng Tsina sa isyu ng Taiwan at Tibet. Nakahanda aniya ang Uzbekistan na palawakin ang pakikipagtulungan sa Tsina sa kabuhayan, kalakalan, kultura, seguridad, imprastruktura, at iba pa. Positibo rin aniya siya sa mahalagang papel ng Tsina sa mga suliraning panrehiyon at pandaigdig, at nakahanda ang kanyang bansang pahigpitin ang pakikipagtulungan at pakikipagkoordinasyon sa Tsina sa larangang ito, batay sa balangkas ng Shanghai Cooperation Organization(SCO).