Sa kanyang talumpati kamakalawa, Huwebes, ika-23 ng Hunyo 2016, sa ika-26 na pulong ng mga signataryong bansa ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), nanawagan si Wu Haitao, pirmihang pangalawang kinatawan ng Tsina sa UN, para pangalagaan ang awtoridad at kabuuan ng UNCLOS, at pasulungin ang pantay-pantay at makatarungang kaayusang pandagat.
Sinabi ni Wu, na dapat tumpak at lubos na paliwanagin at gamitin ang UNCLOS, at mekanismo ng paglutas sa hidwaan nito. Aniya pa, para sa mga suliranin na walang tadhana sa UNCLOS, dapat sundin ang mga regular na norma at regulasyon ng mga pandaigdig na batas.
Pagdating sa isyu ng South China Sea at may kinalamang arbitrasyon, sinabi ni Wu, na ang esensya ng South China Sea arbitration ay isyu ng soberanya sa teritoryo at demarkasyon sa dagat. Malinaw aniyang hindi sumasaklaw sa mga isyung ito ang arbitration procedure ng UNCLOS. Sinabi ni Wu, na walang hurisdiksyon ang arbitral tribunal sa isyung ito, at dahil dito, walang legal binding ang gagawing desisyon nito. Ito aniya ay dahilan kung bakit iginigiit ng Tsina ang paninindigan ng hindi paglahok, hindi pagtanggap, at hindi pagkilala sa naturang arbitrasyon.
Salin: Liu Kai