Nagpalabas kahapon, Biyernes, ika-10 ng Hunyo 2016, ng artikulo ang Chinese Society of International Law (CSIL), na nagsasabing walang-bisa ang kapasiyahan ng Arbitral Tribunal hinggil sa hurisdiksyon nito sa South China Sea arbitration, at gagawing hatol sa kasong ito.
Anang artikulo, may 6 na kamalian ang Arbitral Tribunal sa paggawa ng kapasiyahan hinggil sa hurisdiksyon sa South China Sea arbitration. Una, nagkamali ang Arbitral Tribunal na tanggapin ang kahilingang iniharap ng Pilipinas bilang hidwaan sa pagitan ng Tsina at Pilipinas kung saan nagagamit ang United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS). Ikalawa, nagkamali ang Arbitral Tribunal na gawin ang kapasiyahan hinggil sa pagkakaroon ng hurisdiksyon sa isyung may kinalaman sa soberanya sa teritoryong panlupa, na sa katotohanan, hindi nakalakip sa UNCLOS. Ikatlo, nagkamali ang Arbitral Tribunal na gawin ang kapasiyahan hinggil sa pagkakaroon ng hurisdiksyon sa isyu ng demarkasyon sa dagat, kung saan tinanggihan ng Tsina ang sapilitang pamamaraan batay sa UNCLOS. Ikaapat, nagkamali ang Arbitral Tribunal na ipagkaila ang pagkakaroon ng Tsina at Pilipinas ng kasunduan hinggil sa paglutas sa hidwaan sa pamamagitan ng talastasan. Ikalima, nagkamali ang Arbitral Tribunal na ipalagay na isinabalikat na ng Pilipinas ang obligasyon ng "pagpapalitan ng palagay" pagdating sa paglutas sa hidwaan sa arbitrasyong ito. At ikaanim, ang ginawa ng Arbitral Tribunal ay salungat sa layunin ng mekanismo ng paglutas sa hidwaan ng UNCLOS, at nakakapinsala sa kabuuan at kapangyarihan ng UNCLOS.
Dagdag pa ng artikulo, dahil walang hurisdiksyon ang Arbitral Tribunal sa South China Sea arbitration, walang-bisa rin ang gagawin nitong hatol sa kasong ito.
Salin: Liu Kai