|
||||||||
|
||
Nag-alay ng bulaklak sa Rizal Shrine si Consul General Julius Caesar Flores ng Konsulada ng Pilipinas sa Xiamen.
Ginunita nitong Hunyo 24, 2016 sa Jinjiang ng lalawigang Fujian ng Tsina ang ika-155 Kaarawan ni Jose Rizal. Nag-alay ng bulaklak sa Rizal Shrine si Consul General Julius Caesar Flores ng Konsulada ng Pilipinas sa Xiamen sa monumento ng bayani. Dumalo sa wreath laying ang mga opisyal ng lunsod, kinatawan ng Filipinos in China (FinCh) at mga diplomata mula sa konsulada.
Si Consul General Flores habang kinakapanayam ng CRI Serbisyo Filipino.
Sa panayam ng CRI Serbisyo Filipino sinabi ni Consul General Flores, mahalaga ang katuturan ng parke sa Pilipinas at Tsina dahil mahaba ang kasaysayan ng ugnayan sa pagitan ng mga mamayan ng dalawang bansa. Patunay nito ang mga ninuno ni Rizal na matutunton sa Jinjiang.
Jinjiang bukas sa pagpapahigpit ng ugnayan sa Pilipinas
Sinabi ni Chen Ling, Deputy Director General of Overseas Chinese, Taiwanese and Foreign Affairs Bureau, Jinjiang Municipal People's Government, mahigit 1 milyong overseas at ethnic Chinese sa Pilipinas ay galing sa Jinjiang. Pinahahalagahan aniya ng pamahalaang lunsod ang mapagkaibigang relasyon sa Pilipinas at winewelkam ang pagpapahigpit ng dalawang panig ng mga pagpapalitan sa kultura, kabuhayan at kalakalan, para isakatuparan ang mutuwal na kapakinabangan at win-win situation. Umaasa siyang mapapanatili ang pagkakaibigan ng Tsina at Pilipinas nang walang hanggan at puno siya ng pananalig hinggil dito.
Si Consul General Flores (ika-4 sa kaliwa ), kasama ang mga opisyal ng Jinjiang City na pinamumunuan ni Chen Ling (ika-5 sa kanan), Overseas Chinese and Foreign Affairs Bureau, Daniel Osillos (ika-2 sa kanan), kinatawan ng FinCh at diplomata mula sa Konsulada.
Malaki ani Flores ang pasasalamat niya sa pamunuang lunsod ng Jinjiang sa pag-aalaga sa pinakamalawak at pinakamagandang Rizal Shrine sa labas ng Pilipinas at nag-iisa sa buong Asya. Dagdag ni Chen, upang maayos na pangalagaan ang Rizal Park, inilaan ng pamahalaan ng Jinjiang City ang espesyal na pondo para rito, bukod dito, itinatag ng distritong kinaroroonan ng parke ang isang grupo para isagawa ang mga gawain na gaya ng pangangalaga at pagkukumpuni.
Rizal Bust, inalay sa Museo ng Jinjiang
Tinanggap ng Museo ng Jinjiang para sa Rizal section nito ang donasyon ng konsulada na busto ni Rizal (Clockwise: sina ConGen Flores; Chen Ling; Xu Pengfei, Pangalawang Direktor ng Culture, Sports, Press and Publication Bureau ng Jinjiang; Wu Jinpeng, Curator ng Jinjiang Museum ).
Tinaggap ng Museo ng Jinjiang para sa Rizal section nito ang donasyon ng konsulada na busto ni Rizal, manuscript ng pelikulang Rizal at isang paper fold ng monumento. Sa tulong ng mga ito, nawa ay mas dumami ang kaalaman ng mga taga Jinjiang hinggil kay Jose Rizal.
Sa kanyang ika 155 kaarawan, hangad ni ConGen Flores na nawa pahalagahan ng kasalukuyang henerasyon ng mga Pilipino ang bigat ng kontribusyon ni Rizal sa kultura at kasaysayan. At ang kanyang pagkukusang matuto ng iba't ibang dayuhang wika.
Mga Pinoy sa Fujian, hinimok na tularan si Rizal
Higit 13 taon na si Daniel Osillos sa Quanzhou at siya ay Pangulo ng Filipino in China o FinCh. Aniya tyempo dahil nakita niya ang pagbubukas ng parke noong 2003. Aniya masarap ang pakiramdam na kinikilala ng Jinjiang ang pambansang bayani. At sa Museo ng Jinjiang kung saan isang bahagi ay laan para sa mga Chinoy at lider Pilipino na dumalaw sa lunsod, tunay na ipinagmamalaki niyang maging Pilipino. Dagdag niya dahil sa malalim na ugnayan sa pagitan ng mga taga Fujian at Pilipinas, naging madali ang pamumuhay niya sa Tsina dahil may "point of interest" na kapag nakikipagkaibigan siya sa mga taga rito. Kanyang laging pinaaalalahanan ang mga miyembro ng FinCh na maging mabuting mga Pilipino at maging "makabagong-Rizal" at huwaran ng mabuting gawa.
Rizal Shrine sa Jinjiang, nag-iisa sa Asya at pinakamalaki sa labas ng Pilipinas
Ang Rizal Shrine sa Jinjiang
Ang Rizal Shrine sa Jinjiang
Ang Rizal Shrine sa Jinjiang ay itinayo bilang pagkilala sa mga ninunong Tsino ng pambansang bayani. January 2003 natapos ang Rizal Shrine at ito ay nasa loob ng People's Cultural Plaza sa Shang Guo Village ng Jinjiang City. Ito ay may lawak na limang hektarya. Yari sa Jinjiang granite stones ang replika ng monumento. Mas mataas ito at may sukat na 18.61 meters na batay sa taong 1861 na kapanganakan ni Rizal. Ang orihinal na monumento ni Rizal sa Luneta ay may taas na 12 metro.
Si Rizal ay inapo ni Ke Yinan, nabinyagan at pinangalanang Domingo Lamco nang siya ay mandayuhan sa Pilipinas noong 1697. Ang pamilya Ke ay tubong Zhang Guo, Jinjiang.
Ang Rizal Shrine sa lunsod na ito ang pinakamalaki sa labas ng Pilipinas. Kumakatawan ito sa malalim na ugnayan ng pagkakaibigan sa pagitan ng Pilipinas at Tsina na may higit isang libong taong kasaysayan. Noong 1999 dumalaw sa parke si Pangulong Joseph Estrada para sa paglalatag ng pundasyon ng monumento. At noong 2006, nagbigay galang din si Pangulong Gloria Macapagal Arroyo sa monumento ni Rizal.
Reporter: Machelle Ramos
Photographer: Ernest
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |