|
||||||||
|
||
Sa kanyang pambungad na talumpati, nagbigay ng maikling salaysay si Erlinda F. Basilio, Embahador ng Pilipinas sa Tsina tungkol sa buhay ni Dr. Rizal.
Embahador Erlinda F. Basilio, habang nagtatalumpati
Aniya, kahit ipinanganak si Dr. Rizal sa isang may-kayang pamilya, pinili niyang isakripisyo ito, upang ipaglaban ang karapatan ng mga Pilipino sa pamamagitan ng mapayapang pagbabago.
Sa pamamagitan ng kanyang dalawang nobelang El Filibusterismo at Noli Me Tangere, ginising ni Dr. Rizal ang damdamin ng mga Pilipino upang humingi ng reporma at ipaglaban ang kanilang karapatan at kalayaan, dagdag ng embahador.
Si Dr. Rizal ani Basilio ay isang dakilang martir na nabuhay at namatay para sa Lahing Pilipino, at ang pagkakatatag ng Sentro Rizal sa loob ng Embahada ng Pilipinas sa Tsina ay isang karangalan para sa bansa.
Umaasa si Basilio, na sa pamamagitan ng Sentro Rizal, maibabahagi sa mga kaibigang Tsino ang kultura, sining, kasaysayan, kaalaman, at tradisyong Pilipino, upang mapalakas ang pagkakaunawaan at pagkakaibigan ng mga Pilipino at Tsino.
Aniya pa, ang Sentro Rizal ay isa ring sentro para sa mga mag-aaral na Pilipino sa Tsina, upang mapalalim ang kanilang pagkakaunawa sa kanilang sariling kultura at kasaysayan.
Pinangunahan nina Embahador Basilio at Dr. Shi Yang, Direktor ng Seksyon ng Philippine Studies ng Peking University ang seremonya ng paggupit ng ribon at pag-aalis ng tabing sa marker ng Sentro Rizal.
Embahador Basilio at Dr. Shi Yang sa kanilang paggupit ng ribon at pag-alis ng tabing sa marker ng Sentro Rizal
Dumalo sa nasabing pagtitipon ang mga mag-aaral ng Wika't Kulturang Pilipino mula sa Peking University at Beijing Foreign Studies University; miyembro ng Filipino Community, at mga mamamahayag mula sa Serbisyo Filipino ng Radyo Internasyonal ng Tsina, at marami pang iba.
Embahador Basilio, kasama ang coverage team ng Serbisyo Filipino, mga mag-aaral ng Beijing Foreign Studies University, at mga staff ng Embahada ng Pilipinas sa Tsina
Makaraang magpahayag ng pambungad na talumpati si Embahador Basilio, itinanghal para sa mga panauhing Pilipino at Tsino ang pelikulang Jose Rizal na inihandog ng GMA Inc.
/wakas//
Reporter: Rhio Zablan
Photographer: Rhio Zablan/Lele
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |